Pahayag ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB)
Bilang tugon sa panawagan ni Atty. Harry Roque na imbestigahan ng MTRCB ang pag-ere ng TV komersiyal na "EDSA-Pwera,” nilinaw ng Board na wala itong awtoridad na suriin at eksaminin ang mga commercial at advertisement, maliban sa mga itinuturing na Publicity Materials/Promotional Material sa ilalim ng Presidential Decree (P.D) No. 1986 at ng Implementing Rules and Regulations nito.
Ayon sa P.D No. 1986, tinutukoy ang "Publicity materials" bilang "anumang materyal na ginagamit upang magkaruon ng interes sa publiko sa isang motion picture o television program tulad ng television commercials, movie, at television trailers, print advertisements, still photos, photo frames, leaflets, posters at billboards, at iba pang kaugnay na midya."
Dahil ang nasabing materyal ay hindi itinuturing na Publicity material ng anumang Motion picture o TV program, hindi ito saklaw ng MTRCB. Sa halip, kinikilala ng Board ang awtoridad ng Ad Standards Council ng Pilipinas (ASC) bilang self-regulatory body na responsable sa pagsusuri ng advertising at brand communication materials sa lahat ng midya upang mapanatili ang interes ng mga mamimili at tiyakin ang tapat, makatarungan, at responsableng advertising.