LIWASANG RIZAL LUNETA, Maynila — Ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP) sa pamumuno ng kanilang Tagapangulo Dr. Emmanuel Franco Calairo, ay pangungunahan ang paggunita sa araw ng kabayanihan ng tatlong martir na sina Padre Mariano Gomes, Padre Jose Burgos at Padre Jacinto Zamora, mas kilala bilang GOMBURZA, sa 17 Pebrero 2024, Sabado, 8:00 ng umaga sa Gomburza Execution Site, Liwasang Rizal Luneta, Maynila.
Pangungunahan ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas ang unang bahagi ng programa sa pagtugtog ng pambansang awit. Susundan ito ng mga pag-aalay ng bulaklak mula sa mga sumusunod: Office of the President; Roman Catholic Archdiocese of Manila; Manila City Government; NHCP; National Museum of the Philippines; National Parks Development Committee; Department of Education-Division of City Schools Manila, Intramuros Administration, The Most Worshipful Grand Lodge of Free and Accepted Masons of the Philippines, Knights of Columbus, Boy Scouts of the Philippines, Girl Scouts of the Philippines, Salute to a Clean Flag Movement at Cediestans PH.
Magsisimula ang susunod na bahagi ng programa sa bating pambungad mula kay Patnugot Tagapagpaganap Cecille Lorenzana-Romero ng NPDC, kasunod ng Pansigligwang Pananalita ni Tagapangulo Calairo at mensahe mula sa Pangalawang Punong Lungsod John Marvin ‘Yul Servo’ Nieto ng Maynila. Sa pagsasara ng bahaging ito, mapapakinggan ang isang mensahe mula sa Arsobispo ng Maynila Jose G. Cardinal Advincula.
Mag-aalay din ng bulaklak sa GOMBURZA National Monument, P. Burgos St. Maynila at babasbasan ang puntod ng GOMBURZA sa loob ng Liwasang Paco, Maynila na pangungunahan ni Rev. Fr. Joel Rescober, C.M.
Maaalala na ang tatlong pari ay nahatulan ng parusang kamatayan sa pamamagitan ng garote nang idawit sila sa pag-aalsa sa Cavite noong Enero 1872. Napag-initan sila dahil sa pakikibahagi sa kampanya laban sa mga prayleng Kastila. Naniniwala sila sa sekularisasyon ng bansa at sa pagkakaroon ng parehas na karapatan ng mga Pilipino at Kastila bilang mamamayan ng bansa.
Inialay ni Jose Rizal ang pangalawa niyang nobelang El Filbusterismo sa Gomburza. Ginunita rin ng Katipunan, sa pangunguna ni Andres Bonifacio, ang kanilang kabayanihan at mababasa ito sa ilang dokumento ng Katipunan.
Ang NHCP ang pambansang sangay ng pamahalaan na naatasan sa pagtataguyod at pagpapanatili ng mga pambansang pamana sa pamamagitan ng saliksik, lathala, heraldiko, konserbasyon, pagtatakda sa mga makasaysayang pook at istruktura at pangangasiwa ng mga pambansang dambana at museo. (NHCP)