Maraming, maraming salamat po! Maraming, maraming salamat ang aking mga minamahal na kababayang Pilipino, magandang hapon po sa inyong lahat. [cheers]
Talaga naman at napakasaya talaga pagka nagkatagpo-tagpo ang mga Pinoy ano? [cheers] Eh kami nakita naman po ninyo, nandito kasama natin ‘yung ibang mga Cabinet members at maraming mga meeting na ginagawa dahil state visit ito eh.
Kaya’t marami kaming ginagawa at ‘yung mga meeting namin alam niyo naman siyempre seryosong usapan. Kaya’t ‘yung pagka may pagkakataon na makasama at makapiling ang ating mga kababayan ay siyempre kami’y pupunta at talagang masaya, naiba, at pati na ‘yung mga tigarito nagugulat sa atin dahil ang gugulo natin. [laughter]
Pero ‘yung magulo na nakangiti [cheers] ganyan talaga ang hugis ng Pilipino. Magpapasalamat ako sa ating butihing kalihim ng Department of Foreign Affairs sa kanyang pagpakilala. At uunahin ko pong batiin ang aking minamahal na First Lady, [cheers] Madame — [Madame, parang hindi bagay sa’yo ‘yung madame.] [laughter and cheers] — Liza Araneta-Marcos. [cheers]
Ang ating mga Cabinet members na sumama rito. Alam niyo po ‘yung iba dito hindi kasama rito pero namilit silang pumunta at sumama sa atin para makita kayong lahat kaya’t… [cheers] Dahil nga kagaya ng sinasabi ko eh mabigat ‘yung kanilang trabaho ito na ‘yung pampasarap at pampasaya ng aming — parang bakasyon sa amin ito sa gitna ng state visit. [cheers]
Babatiin ko rin ang ibang miyembro ng ating delegasyon na galing sa Republika ng Pilipinas, ang ating Chargé d’Affaires at saka Consul General Emmanuel Fernandez [applause]; lahat ng — lahat na nandito na mga galing sa Philippine Embassy na tumutulong sa ating lahat kapag may problema [applause]; at kayong lahat ay binabati ko.
Alam ko na marami pa sa iba ay hindi makarating dahil sa dami natin eh 200,000, hindi raw talaga kayang ipagkasya rito kahit anong gawin natin eh. [laughter] Kaya’t napilitan tayong mamili ng ‘yung pinakamalaking lugar pero nandito kayong lahat at binabati ko kayo at nagpapasalamat ako [cheers] na binigyan niyo kami ng panahon na kayo — alam ko naman ‘yung iba eh ang report sa akin kanina sabi kanina pang tanghali marami na raw tao dito eh, [cheers] nag-aayos na.
Eh talaga naman kaya’t minadali na namin ang pagpunta namin dito. Taos-puso akong nagpapasalamat na kayo’y nakapagdalo at nakipagtipon sa araw na ito. Alam ko ngayon ay Martes at marami sa inyo ay lumiban na sa inyong mga trabaho para makapunta dito. [cheers] Talaga naman dahil diyan ako’y nagagalak at sa inyong pagdating at makita kayo kahit sandaling panahon lamang.
At kami ay ipagpapatuloy namin ang aming state visit at siguro samakalawa ay balik na kami ng Pilipinas at marami pang kailangang gawin, marami pang trabaho. At lahat po na kaharap ninyo lahat po ay — itong lahat ay maraming ginagawa upang tulungan hindi lamang ang mga ating kababayan sa Pilipinas ngunit pati na ang mga minamahal namin at nirerespeto namin, dinadangal namin na mga OFW. [cheers]
Ngayon, ang ginawa naming programa ay naiba nang kaunti. Dahil sabi namin, napapag-usapan namin, papaano tayo? ‘Yung dati aakyat, walong tao magi-speech tapos wala na, tapos na. Sabi ko hindi puwedeng ganoon. Dahil lahat itong mga ito ay bumoto sa atin kahit hindi natin kinampanya. [cheers]
Kaya’t sa eleksyon na ito dito sa Singapore, nabaliktad ang usapan. Nagboto muna kayo tapos ikakampanya kayo namin ngayon. [cheers]
Ipapakilala ko po sa inyo ang ating mga kasamahan na nandito ngayon at para malaman ninyo po ang ating mga iba’t iba sa ating mga Cabinet members na ginagawa ang lahat upang tulungan — magpaganda ng buhay ng ating mga kababayan, pagandahin ang ekonomiya, para paramihin ang trabaho. At kung talaga kami ay maging matagumpay, para pauwiin na kayo at maaari na kayong magtrabaho sa Pilipinas. [cheers]
Nandito po, diyan po ay nandito po si — ang ating secretary ng pinakabagong department pero ito ang siguro isa sa pinakaimportanteng department, ang bagong Department [of] Migrant Workers, Secretary “Toots” Ople. [cheers]. At susunod naman po, Secretary Naida Angping na tumutulong, siya ang head ng Presidential Management Staff [cheers]; at si Secretary Ben Diokno ng Department of Finance [cheers]; at ang kasunod na hindi miyembro ng Gabinete ngunit napakaimportante rin dahil siya ang ating Speaker ng Congress natin, Speaker Martin Romualdez. [cheers]
Nakilala niyo na ang ating secretary ng Department of Foreign Affairs; nandiyan din sa dulo ang Special Assistant to the President, ang dating congressman, ngayon Secretary Anton Lagdameo [cheers]. Dito po sa pangalawang hanay, nandito po ang ating SND. [cheers]
Ayoko na. [laughter and cheers] Ayoko na sa inyo, tama na ‘yan, hindi ko na gusto ‘yan. [cheers] Ipakilala ko muna ‘yung mga talagang nagtatrabaho hindi ‘yung… [laughter] Ang ating Acting Secretary of National Defense, Secretary Faustino; ang ating Press Secretary, Trixie [Cruz-Angeles] [cheers]; ang secretary ng DICT, siya ang magdi-digitalize ng gobyerno ng Pilipinas para naman bumilis at gumanda ang patakbo ng gobyerno, [cheers] Secretary Ivan Uy; nandito ang ating Transport Secretary, Jimmy Bautista [applause and cheers]; at ang namumuno ng isa sa pinakaimportante — naging importanteng department sa buong pamahalaan ay siya ang secretary ng Department of Tourism, Secretary Christina Frasco. [applause and cheers]
Ang susunod po ay ang head at namumuno ng Department of Budget and Management, alam niyo po lahat kami mababait diyan kasi diyan kami kumukuha, humihingi ng pondo. ‘Pag hindi nakangiti ‘yan, nako delikado ka na, wala kang makukuha. Kaya’t lagi namin siyang inaalagaan, Secretary Amenah Pangandaman; [applause and cheers] si — sa NEDA na siya ang ating National Economic Development Authority, ang aking kababayan, si Secretary Arse Balisacan [applause]; at sa dulo naman po, ang ating Governor ng Central Bank, Governor Felipe Medalla. At sino pa ba? Wala na yata eh. [cheers]
O sige na nga. [cheers] Ang – pati ba naman dito akala ko ‘yung rally lang namin sa Ilocos ganoon. Ang ating bagong halal na Congressman ng First District ng Ilocos Norte, Congressman Sandro Marcos. [cheers] Alam niyo po, siguro ito po ‘yung lagi kong — noong nasa kampanya kami ito ‘yung lagi kong kinukuwento na siguro na-livestream ninyo, narinig ninyo na itong payo na ibinigay sa akin ng aking mga magulang. At ang payo sa akin, sabi niya, sabi nila, “Wag kang aakyat ng entablado na may mas magandang lalaki sa’yo.” [laughter]
Eh namimilit, ayokong isama eh wala na… Pinuno ko na ‘yung sasakyan, namilit pa ring sumama dahil alam niya… ‘Yung sa kampanya namin excited ako dahil — lalo na noong una eh pagdating pasok dito, nako nagsigawan ang mga tao, ‘yung mga babae nagtititili [laughter]. Sabi ko sa loob-loob ko naman sabi ko, “nako galing may asim pa.” [laughter] Bigla na lang may maglalabas ng placard na ganoon, “Nasaan si Sandro?” [laughter] “Ilabas si Sandro!” “Iyo na ang boto ko, akin si Sandro.” Kaya’t mabuti na lang eh nandito siya at kasama natin.
Ito po ang ating mga Cabinet members, ang ating mga opisyal na magtitimon sa ating ekonomiya para pagandahin ang buhay ng ating mga kababayan. [applause and cheers]
Hindi ko po… [laughter] Ako’y lubos na nagpapasalamat sa inyong walang humpay na suporta kagaya nga ng sabi ko kahit na hindi po kami nakapagkampanya dito sa Singapore at sa ibang bansa. Lalong-lalo na dahil eh noong panahon na ‘yun may mga protocol pa hindi tayo makabiyahe nang husto. At kahit na gusto naming kayong puntahan ay hindi pa kami napapayagan. At pero ngayon ito na ang ating pagkakataon kaya nga sinabi ko dito, [cheers] dito sa halalan na ito nabaligtad ang proseso, nauna ang boto kaysa sa kampanya. Nahuli ‘yung kampanya. Pero since kampanya ito, huwag niyo pong kalimutan, iboto po ninyo Bongbong at Sara ha. [laughter]
Dahil po sa inyo, kami po sa aming samahan na aming tinawag na UniTeam ay nagtamo ng landslide victory. [applause and cheers] Ito na ang unang pagkakataon sa kasaysayan ng pulitika sa Pilipinas na nagkaroon ng majority na pangulo dahil sa inyo, dahil sa ating mga minamahal na kababayan sa Pilipinas, [applause] lahat po, pati kami ay nagulat habang nagbibilang ng boto na umabot ng labis ng 31 million votes ang ibinigay ninyo sa amin. [cheers]
Kaya naman malalim po ang utang na loob namin sa inyo. Kaya’t ang aming kapalit ay ang trabaho at pagpaganda sa Pilipinas. [cheers] Nakita ko rin noong nakaraang halalan, ang Singapore ay kayo ang isa sa pinakamataas na voting sa lahat ng iba’t ibang lugar. [applause and cheers]
Singapore had the highest, I think one of the highest, or the second highest voter turnout sa lahat ng overseas automated voting in the Asia-Pacific. [cheers] Third by percentage. Sa number na bumoto kayo ang pangatlo sa buong mundo. Ang liit-liit ng Singapore [cheers] pero pangatlo kayo.
‘Yung performance ng eleksyon ang pinakamataas na nakita ng embassy na recorded since overseas voting began in 2004. Muli, maraming salamat po. [cheers and applause]
Mga kababayan ko, sa una kong State of the Nation Address, sinabi ko, “The creativity of the Filipino is world-class. We excel in arts, in culture, in new media, in live events.”
And the showcase of talent this afternoon in this auditorium is a testament to the Filipinos’ competence and excellence, not just in the creative space, but also in whatever work, profession, or any other endeavor that we put our hearts and minds into.
Alam niyo naman po na habang kami ay nandoon kami sa Pilipinas at pinagmamasdan namin ang inyong buhay dito sa Singapore, sa ibang lugar, basta’t ‘yung mga nag-abroad, lahat ng mga OFW, ay nakikita namin na ‘yung mga pinupuntahan ng mga Pilipino, mahal na mahal ng mga local.
Dahil ay kayo ang nagdadala, lahat kayo kahit na may ambassador tayo, kayong lahat ay ambassador ng Pilipinas. At talaga sa pagka-ambassador ninyo ng Pilipinas ay ginagawa ninyo at binibigyan ninyo ng dangal ang Pilipinas dahil ang taas ng tingin sa Filipino workers dahil sa nakikita nila sa inyong ginagawa, sa inyong performance. [applause]
Kaya’t ‘pag sinasabi ko ay sabi ko naghihirap dahil maraming nagsasabi naghihirap tayo, na mahina ang ekonomiya, marami tayong dinaanan, maraming nawalan ng trabaho at sinasabi “anong tingin mo?” Sabi ko ako maano — ang tingin ko, ang pagtingin ko sa parating na ilang taon ay magiging maliwanag at maganda.
Eh bakit naman? Bakit mo sinasabi ‘yan? Dahil sabi ko mayroon tayong 107 million na Pilipino na napakagaling, napakahusay, napakasipag, napakabait, at napakainit ang pagmamahal sa Pilipinas. [applause]
Kaya’t there is no doubt in my mind that the Philippines can recover from the hardships caused by the pandemic. Hand in hand, sama-sama tayong babangon muli. [cheers]
We will rise above the challenges and we will fly to greater heights. Pilipino tayo and dapat natin ipagmalaki ang ating Pilipino dahil mayroon naman tayong sinabi, mayroon tayong — kagaya ng sinasabi sa showbiz, mayroon tayong ‘K’. [applause and cheers]
The demographics of over 200,000 Filipinos here in Singapore ay paiba-iba, very, very — paiba-iba ang inyong mga naging trabaho. We have hard-working household service workers, those in the allied medical professions, [applause and cheers] engineers, architects, bankers, entrepreneurs, and those in schools, nagtuturo… Ang nagtuturo sa atin ang teacher na ang tinuturuan, ganoon kagaling ang tingin sa ating mga teacher, ‘yung nasa academe, mga performer, mga abogado, those working in media and sports, researchers, writers and those in the creative industry, IT professionals, dependant pass holders. Mga iba’t ibang mukha ngunit pinagbubuklod ng iisang hangarin na magkaroon ng mas magandang buhay hindi lamang para sa ating mga minamahal na naiwan sa Pilipinas, kung hindi para rin sa ating bansa.
Bagama’t may pandemya, kayong lahat na mga overseas Filipinos at lalong-lalo na dito sa Singapore ay patuloy pa rin na nagpapadala ng tulong sa inyong mga pamilya.
At noong nakaraang taon, ang Singapore ang pumangalawa sa pinakamataas na naipasok na remittance [applause and cheers] na umabot ng 2.2 billion US dollars. Hindi po biro ‘yan. At ‘pag tinitingnan po natin ang ekonomiya, ang laking bahagi doon sa ating ekonomiya ay nabubuhay at hindi pa tayo nalulubog dahil sa trabaho, sa sakripisyo ng ating mga OFW. [applause and cheers]
[President Marcos talks to DMW Secretary Susan “Toots” Ople] Hindi kinukonsulta ko lang ang ating Secretary of Migrant Workers dahil noong palipad kami rito galing po kaming Jakarta. At noong palipad kami rito, mayroon siyang ibinigay sa aking dokumento na mayroong malaking pagbabago dito sa hiring policy ng Singapore at sa Pilipinas. Tawagin natin siya para siya ang magpaliwanag sa inyo nang mabuti kung ano ‘yung bagong patakaran para sa Singapore. [applause]
[DMW Secretary Susan “Toots” Ople: Salamat, Ginoong Pangulo. Ang good news po mismong gobyerno ng Singapore ang nag-reach out sa atin, nandito ‘yung ambassador ng Singapore sa Pilipinas at humihingi po sila ng karagdagan na mga Filipino health workers dahil sobrang napabilib po sila ng ating mga manggagawa noong panahon ng pandemya. Kaya bukas po isa sa mga lalagdaan ay isang Joint Communiqué with the Ministry of Health na nakasaad po doon ang kanilang paniniwala, ang kanilang kagustuhan na maka-hire pa po ng mga Filipino health workers natin at nangako po silang aalagaan sila nang husto. Maraming salamat, Mr. President.] [applause and cheers]
Ganyan kataas ang tingin sa inyo ng inyong mga kasama na Singaporean dito sa Singapore. At noong tinanong ko ano talaga naman ang magiging epekto nito? Ay nako libo-libo ang hinahanap ng Singapore. Libo-libo, hindi lang nurse, hindi lang — kundi pati na ‘yung mga aviation services, pati mga engineer, pati mga propesor, lahat na po. At siguro, hangga’t dumating ang araw na kumpleto na ang trabaho sa Pilipinas ay mayroon pa tayong pagkakataon na ipakita ang galing, ang husay, ang sipag, ang bait ng ating mga overseas workers. [applause and cheers]
Kaya naman po — dadami ang mga kasamahan ninyo sa potluck. [laughter] Kaya naman po sinisikap ko na maibangon muli ang ating bansa sa kabila ng dagok na naidulot ng pandemya. [applause] Malugod ko pong tinanggap ang paanyaya ni Madame President Halimah Yacob na magpunta rito upang pagtibayin ang ating kooperasyon sa pamahalaang Singapore. [applause]
My State Visit to Singapore shall seek to fully maximize our trade and economic cooperation. Singapore was already our highest investor in 2021 and we have Singaporean companies with big-ticket projects in the areas of telecommunications, infrastructure, startup and innovation, renewable energy, and healthcare. [applause and cheers]
That’s why our economic team, ito po ang humaharap sa inyo ngayon, ay makikipagkita sa mga possible na investor na maglalagay ng negosyo sa Pilipinas. Hindi lamang ‘yun na patibayin ang trade ng Singapore at saka ng Pilipinas.
We proactively attract investments in our country in order to accelerate post-pandemic growth and create more jobs in the Philippines.
Marami po tayong kailangang gawin, marami po tayong hinaharap na problema ngunit dahil po sa ugali ng Pilipino na napapamahal ang ating mga kasamahan kahit ‘yung mga dayuhan na hindi tiga-Pilipinas ay tayo ay gustong tulungan.
Dahil alam niyo naman ang Pilipino basta’t nakilala ng mga local na mga kung saang nagtatrabaho na OFW ay napapamahal kaagad sa Pinoy. At hindi naman siguro kataka-taka dahil eh talaga naman ‘yung Pinoy naiiba — ibang klase talaga ang Pinoy, ibang klase tingnan mo na lang ang ngiti ng bawat isa sa inyo. [applause and cheers]
Kami po na nandito ay inyong lingkod-bayan at patuloy na magbibigay ng serbisyo po. Kaya namin pinag-iibayo rin ang ating gobyerno ang paghatid sa inyo nang maayos, mabilis at pulidong serbisyo dito sa Singapore sa pamamagitan ng ating embahada.
At dahil prayoridad ng administrasyong ito ang kapakanan ng mga OFW at ang kanilang pamilya sa Pilipinas… Ito ‘yung pagbabago na dinala ng ating Secretary Toots Ople, ay sabi niya, alagaan natin ‘yung mga OFW ngunit huwag nating kakalimutan alagaan din natin ang kanilang pamilya sa pamamagitan ng mga scholarship, sa pamamagitan ng healthcare, sa pamamagitan ng housing. [applause]
‘Yan po ang aming tinatrabaho ngayon at nasisimulan na natin para naman eh ‘yung trabaho ninyo ay hindi kayo — hindi niyo kinakailangan isipin ang kalagayan ng inyong mga mahal sa buhay. [applause and cheers]
Sa simula ng 2023 na fully operational na ang Department of Migrant Workers sa pamumuno ni Secretary Susan Ople ay makikita na po natin, mararamdaman na po ninyo ang kamay ng ating pamahalaan sa pagtulong sa lahat ng bagay na hinaharap ninyo, problema man o hindi ay sila ay nandiyan at wala silang ibang trabaho kung hindi alagaan ang ating OFW. [applause and cheers]
Nagpunta po rin kami dito sa Singapore upang manghikayat pa ng maraming investment para sa ating bansa.
Sila po, katuwang ng ating mga embahada at konsulado, ang magtataguyod sa karapatan at kapakanan ng mga manggagawang Pilipino sa buong mundo.
Being in another country, far away from your loved ones, is not easy. Pero matibay ang Pilipino. You can withstand hardships while wearing the most beautiful of smiles. [applause and cheers]
Madalas ko po mapag-usapan ‘yung ngiti dahil pinag-uusapan po namin ng ating Secretary of Tourism na si Christina Frasco. Sinasabi niya, “We have to promote the brand of the Philippines.” Eh sabi ko ano ‘yung brand ng Pilipinas? Nagtinginan kaagad kami, ‘yung ngiti, ‘yung smile. Iba ang ngiti ng Pilipino. [applause]
‘Yan na nga ba sinasabi ko eh si Sandro na naman eh. [cheers] Hirap na hirap ako ditong magtalumpati nang maganda tapos si Sandro… [laughter and cheers] Gusto niyo pagsalitain ko? [cheers]
[Crowd: We love you!]
[Ilocos Norte 1st District Representative Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos: Ano ba kayo, pinigilan niyo ‘yung Pangulong mag-speech. Nakakahiya naman. Ah Sir, pasensiya na po, pero kita naman mas mahal ka pa rin. [cheers] Maraming, maraming salamat sa inyong suporta sa aking ama noong halalan. Maraming, maraming salamat sa napakainit ninyong salubong ngayong gabi na ito. Mag-ingat kayo lagi at salamat sa lahat ng ginagawa niyo para sa inyong pamilya, sa ating bansa. Mag-ingat kayo lagi at mabuhay ang Pilipinas.] [applause and cheers]
Hindi ko na nga — nahiya pa ito pero ‘pag nasa Kongreso ito ang daldal nito, ang haba mag-speech niyan. [laughter] ‘Yung Speaker sinasabi na niya, “tama na, tama na, tama na,” sige pa rin, sige pa rin si Sandro. [laughter]
Pero talaga hindi natin maiiwasan na magbigay ng saludo sa inyong lahat na kumakayod sa malayong lugar upang mabigyan ng magandang kinabukasan ang inyong mga pamilya at ang inyong mahal sa buhay.
Inilatag ko sa State of the Nation Address ang mga plano ng gobyerno para sa patuloy na pagbangon ng Pilipinas. Alam kong ako ay makakaasa sa inyong patuloy na aktibong partisipasyon at pagtulong sa ating mga kababayan at sa ating bansa.
Makakaasa po kayo na ako, kasama ang aking Gabinete, ang ating mga opisyal, ay puspusang magtatrabaho upang makamit ang inaasam-asam nating pag-asenso.
Mabuhay kayong lahat! Mabuhay ang mga OFW! Mabuhay ang Pilipino! Maraming salamat po at maganda pong hapon sa inyong lahat! [applause and cheers]
— END —
Watch here: Meeting with the Filipino Community in Singapore
Location: Ho Bee Auditorium of the National University of Singapore, Singapore