Maraming, maraming salamat, Sec. Benhur, sa iyong pagpakilala.
At maraming salamat sa ating butihing — bagong ano — first timer na mayor first timer, Apo Mayor Abalos. Ang ating mga kasamahan dito na mga — si Vice Menchie, who has always been — and lahat ng ating mga konsehales at lahat ng mga LGU na tumulong dito para mabuo natin itong pagbubukas ng Kadiwa ng Pasko.
Magandang umaga po sa inyong lahat. Mabuti naman — ako ay natutuwa at nakabalik ako ng Mandaluyong dahil mula noong kampanya at saka noong halalan ay hindi po — hindi ko pa kayo napasalamatan sa inyong napakainit na pagsuporta [applause] na ibinigay sa amin ni Inday Sara sa nakaraang halalan.
Kaya’t ngayon eh pagkakataon ko na na magpasalamat sa inyo, sa inyong lahat, sa mga opisyal na tumulong sa atin, at kayo po na talagang hindi niyo po kami pinabayaan. Maraming, maraming salamat po.
Ngayon po ito ay — ang aming ginagawa ito ‘yung Kadiwa ng Pasko dahil ito ay aking ginawa bilang Secretary of Agriculture. Kaya naman ako nag-Secretary of Agriculture para magawa ko itong mga bagay-bagay na ito, gawing national ‘yung mga magagandang project.
Kung ‘yung mga siguro masyadong bata hindi ninyo naalala ‘yung naunang lumabas na Kadiwa. Ganito rin. Ang Kadiwa ay nagdadala lamang ng mas mura na bilihin para sa taong-bayan. Paano nagiging mas mura?
Nagiging mas mura dahil ang pamahalaan, unang-una, ‘pag bibili ng bigas kinukuha sa NFA, kinukuha sa buffer stock doon lang hindi kumikita ang NFA. Kung ano ‘yung pinambili nila ganoon din ang presyo kaya’t ‘yung nakita ninyo ‘yung bigas P25.
Palapit na tayo doon sa aking pangarap na mag-20 pesos [applause] pero dahan-dahan lang. Aabutin din natin ‘yan pero marami pa tayong gagawin. Eh ang dami pang nangyayari. At wala naman tayong magawa dahil ‘yung pagtaas ng presyo ng bilihin ay hindi naman nanggaling sa ekonomiya natin, nanggaling ‘yan sa mga pangyayari sa iba’t ibang lugar na hindi naman natin makontrol.
Kaya nga eh kami naman bilang inyong pamahalaan ay sabi namin kailangan — wala tayong magagawa doon sa presyuhan, tumulong na lang tayo doon sa kakayahan ng pagbili.
At ‘yan ang naging — ‘yan ang ano kaya’t mayroon tayong fuel subsidy, kaya tayo mayroong AICS, kaya tayo mayroong TUPAD para makatulong din kahit papaano na mabawasan ang ginagastos ng taong-bayan.
Ito namang Kadiwa ay nakakamura ito dahil ang pamahalaan ay bumibili diretso sa supplier kaya’t lahat ‘yung… Lahat ng transport cost, lahat ng mga ganyang klase na kailangang bayaran ang gobyerno na ang gumagalaw.
Kaya’t nakikita natin kahit papaano mayroon tayong savings. Kaya’t sabi ko ibalik natin. Mayroon na dating Kadiwa sa mga LGU pero — kung kani-kanila lang. At ang nakita naman namin maganda pa rin ang epekto para makatulong sa tao.
Kaya’t nakikita namin sabi ko bilang Secretary nga ng Department of Agriculture ba’t ‘di natin gawin ‘yung ginagawa ng mga LGU, ba’t ‘di natin gawing national? Kaya’t naging national program na ito.
Pasalubong kaunti sa Pasko para makapagbigay tayo nang kaunting ginhawa man lang sa taong-bayan dito sa gitna ng mga krisis na nagtataas ng presyo.
Hindi lamang ito sa Mandaluyong. Kung makikita po ninyo itong nasa ano — itong nasa screen ay 14 ito na iba’t ibang Kadiwa ng Pasko na binubuksan namin.
Si First Lady napunta sa Parañaque, si Congressman Sandro nasa Quezon City, ‘yung isang anak ko si Simon ay nasa San Juan.
Kaya’t at lahat po… Patuloy po ito. Pararamihin po natin ito hangga’t may coverage na tayo na national.
At bukod pa roon, kahit na ang pinangalan namin ay Kadiwa ng Pasko, kahit po pagkatapos ng Pasko patuloy pa rin po ito. Hindi namin ititigil ito. [applause]
Kaya’t sana naman ay kahit papaano ito’y makatulong sa inyo para makamura sa mga bilihin at para naman Merry Christmas naman tayo nang kaunti kahit masyado tayong binubugbog ng kung ano-ano mga pangyayari.
Sinimulan na ng pandemya, sinimulan — tapos nasundan pa ng kung ano-ano pangyayari, mga Ukraine. At nagkataasan ng presyo. Mahirap talaga ang naging buhay natin lahat. Ngunit mayroon din mga para-paraan para makatulong.
At isa na itong Kadiwa ng Pasko na ipapagpatuloy natin kahit na pagkatapos na ng Pasko ay ito ay isa sa mga maaaring gawin ng inyong pamahalaan para tulungan ang taong-bayan para naman ay maging mas — hindi kasing — maging mas maluwag ang buhay ng ating mga kababayan.
Kaya’t maraming, maraming salamat po. Ako’y natutuwa na makita na nabuhay itong Kadiwa kasi magandang programa po talaga ‘yan. Kaya’t pagagandahin pa natin, palalawakin pa natin sa tulong ninyo.
Maligayang Pasko sa inyong lahat and Happy New Year! [applause]
— END —
Watch here: Kadiwa ng Pasko Grand Launching
Location: Molave Covered Court in Barangay Addition Hills, Mandaluyong City