Maraming salamat ating Secretary ng Human Settlements and Urban Development Department, Secretary Jerry Acuzar. [Please sit down.]
Ang dating ama ng Lungsod ng Valenzuela na ngayon ay Social Welfare and Development Secretary, Secretary Rex Gatchalian; nandito rin ang ating mga senador, si Senator JV Ejercito at saka ang inyong favorite son, Senator Sherwin Gatchalian; the National Housing Authority General Manager Joeben Tai; at ngayon na nakaupo na nagseserbisyo pa rin mula sa pamilyang Gatchalian, our City Mayor Wes Gatchalian; at lahat ng ating mga bisita ngayong umagang ito, magandang tanghali na, magandang tanghali sa inyong lahat.
Lubos akong natutuwa na makasama kayo sa araw na ito, upang pasinayaan ang proyektong pabahay dito sa Barangay Arkong Bato sa Lungsod ng Valenzuela.
Itatayo natin sa lugar na ito ang ikaapat na Disiplina Village na binubuo ng dalawampung (20) gusali na magiging tirahan ng isang libo at dalawang daang (1,200) pamilya na kasalukuyang naninirahan sa Tullahan River at sa Manila Bay.
Karugtong ito ng mga nauna ng Disiplina Village na naitayo ng lokal na pamahalaan sa Barangay Ugong, Bignay, at Lingunan sa Lungsod ng Valenzuela.
Ang pang-apat na Disiplina Village na ating itatatag ay malapit sa mga paaralan, pagamutan, at iba pang kapaki-pakinabang na mga pasilidad para sa ating mga mamamayan.
Hinihikayat ko ang lokal na pamahalaan ng Valenzuela ang ating mga benepisyaryo ng Disiplina Village na panatilihin ang kaayusan ng kanilang mga bahay para din naman sa ikakaayos ng buong pamayanan.
Sa puntong ito, nais kong bigyang-pagkilala ang buong lokal na pamahalaan ng Valenzuela. Alam naman po natin itong mga ganitong klaseng project, kung hindi masigasig at hindi ang maganda ang pag-uugnay sa national government at sa local government ay hindi po natin magagawa itong proyektong ito. Kaya’t kami sa national government ay nagpapasalamat sa LGU ng Lungsod ng Valenzuela [applause] sa kanilang napakalaking ginawa upang magkaroon tayo ng pabahay dito ‘yung pang-apat, Phase 4 na ito ng Disiplina Village.
At sa pangunguna sa pagbuo ng proyektong ito ay kung wala ang LGU hindi po natin magagawa at ito po ay nakasama na sa Build Better More housing program ng ating administrasyon. [applause]
Ang Valenzuela ay napakagandang halimbawa sa ating pagsisikap na makamit ang ating hangaring mabigyan ng maayos na pabahay ang ating mga mamamayan.
Kaya naman, hinihimok ko kayong lahat na ipagpatuloy ang pagtatayo ng de-kalidad at abot-kayang pabahay upang kayo ay patuloy na maging sandigan ng bawat Pilipino.
Tiyakin natin na ang mga maninirahan dito ay magkakaroon ng sapat na oportunidad upang makapag-hanapbuhay at magkaroon ng pagkakakitaan gamit ang kanilang mga talento at kasanayan.
Mahalagang makipagtulungan sa iba pang mga ahensya ng gobyerno at pribadong sektor upang maisakatuparan ang ating mga kolektibong hangarin.
Gayundin, tiyakin natin na ang ating mga gusali ay matatag gamit ang kalidad at matibay na mga materyales.
Nagagalak ako sapagkat pinangunahan ninyo ang pagpapatayo ng mga bahay para sa ating mga pamilyang naninirahan sa delikadong lugar ngayon, at mga lubos na naapektuhan ng mga proyekto ng gobyerno.
Tunay ngang sa pamamagitan ng ating pagkakaisa at pagmamahal sa bayan, magbubunga ang ating pagsusumikap na makapaghandog ng maayos, matiwasay, at produktibong pamumuhay para sa mga Pilipino.
Bukod dito, manunumbalik din ang kanilang pag-asa hindi lamang para sa kanilang mga sarili, kundi pati rin sa kanilang mga anak na sila din ay nangangarap ng magandang kinabukasan.
Sa ngayon, patuloy namang nagsisikap ang ating pamahalaan upang mas marami pa tayong maipapatayo na mga pabahay para sa ating mga minamahal na kababayan.
Patuloy nating pinag-aaralan kung paano isasagawa ang pagtukoy at paggamit sa mga bakanteng lupa ng gobyerno na maaaring tayuan ng mga pabahay, ayon sa ating mga batas at alituntunin.
Bilang pangwakas, naniniwala ho ako na makakamit natin ang lahat ng ating mga hangarin para sa Pilipino at para sa bayan kung tayo ay patuloy na magdadamayan at magtutulungan.
Kaya patuloy akong nananawagan ng pagkakaisa upang sama-sama din nating matupad ang pangarap na tirahan ng bawat Pamilyang Pilipino – bahay na hindi lamang pisikal na istraktura, kung hindi bahay na matatawag nating tahanan kung saan nagmamahalan ang bawat isa.
Hangad ko ang tagumpay ng proyektong ito.
Mabuhay po kayo! Maraming salamat sa inyong napakagandang ginawang trabaho upang maging matagumpay itong proyektong ito. Mabuhay ang Disiplina Village! Mabuhay ang Pamilyang Pilipino! Mabuhay po kayong lahat. Magandang umaga po sa inyo. [applause]
— END —
WATCH HERE: Groundbreaking of the Disiplina Village Arkong Bato
LOCATION: Arkong Bato Park, Marcelo H. Del Pilar Street in Valenzuela City