[Crowd: BBM! BBM! BBM!]
Siguro ‘yung tinutukoy ni Mayor, totoong… Kayo pa rin ‘yung nandoon sa rally. Ang lalakas ng boses ninyo. Naririnig kayo namin doon sa… [cheers and applause]
Maraming salamat. Maraming salamat. Ang ating butihing Alkalde ng Lungsod ng GenTri, Luis Ferrer; at nandito rin po ang inyong Gobernador, nakita niyo lang si Gov. pogi, naghihiyawan na kayong lahat. [cheers and applause] [Kaya naman pala]
Kayong lahat na mga beneficiary ng Pantawid, ‘yung 4Ps, ‘yung listahan na ating ginamit para dito sa ating pamimigay ng bigas; my fellow workers in government; at mahal kong mga kababayan, magandang tanghali po sa inyong lahat. [applause]
Bilang Pangulo at bilang Kalihim ng Kagawaran ng Agrikultura, nais kong bigyang-diin ang aming hangarin na mas masaganang buhay.
Kaya naman, alam niyo po, noong nandito tayo nagra-rally. Anong pinag-usapan namin? Anong pinag-usapan ko? Ang pinag-usapan ko ay kailangan ayusin natin ang problema sa agrikultura.
Ngayon, sa agrikultura, ang kailangan ninyong gawin, ang kailangan gawin ng pamahalaan ay pagandahin ang produksyon, pagandahin ang ani at tulungan ang pag-process ng mga produkto na agrikultura. Iyon ang isang panig doon sa problema na ‘yan.
Ngunit, may kabilang panig din ‘yan. Kailangan din namin na higpitan ang pagbantay sa illegal na importation ng lahat ng agri products kaya’t ‘yan ang aming ginawa at binigyan ko ng instruction ang Bureau of Customs at sabi ko sa kanila imbestigahan niyo nang mabuti at hanapin ninyo ang mga illegal importers, ang mga smuggler ng bigas.
Dahil ganito po ang nangyayari kaya’t nagkaganyan. Alam niyo po, noong nagtaasan ang presyo ng bigas, ay tinitingnan namin saan nanggagaling ito. Hindi naman nagkulang ang supply. Hindi naman nagpa-panic buying ang mga Pilipino. So, bakit aakyat ang presyo? At natuklasan namin ang nangyayari talaga ‘yung tinatawag na hoarding. Tinatago nila. Mag-smuggle sila ng bigas, tinatago nila para tumaas ang presyo bago nilang bitawan para pagkitaan nila ‘yung malaking halaga.
Kaya’t sabi ko hindi dapat mangyari ‘yun dahil hindi naman tama dahil pinahihirapan ang taong-bayan para lang kumita, para lang magpayaman. Naghihirap na nga lahat tapos ganyan ang gagawin pa. Kaya’t sabi ko sa ating mga ahensya, lahat ng iba’t ibang ahensya, tingnan niyo nang mabuti at maghanap kayo. Tingnan natin, tiyakin natin na ‘yung mga smuggled rice ay mahanap natin dahil ito ang dapat nating ibigay sa taong-bayan.
Ngayon, ‘yun na nga nangyari. At nag-imbestiga. Marami na po. Siguro nababalitaan naman ninyo na mayroon mga — marami na ‘yung nahuhuli, marami na ‘yung nakikita, medyo natigil ang mga smuggler. Siyempre sumusubok pa rin ‘yan pero binabantayan namin nang husto.
Itong batch na ito ang nahanap ay 41,000 bags ng 25 kilos ng bigas. Ito ‘yung pinamimigay natin ngayon. At sa 41,000 bags na ‘yan, ay sabi ko ibigay na natin sa tao. Kunin na natin, kunin na ng gobyerno, ibigay natin sa tao. [applause]
Kaya nag-antay lang kami dahil bago mo huhulihin, nasa batas, kailangan ‘yung importer ay mag — kailangan patunayan within 15 days na legal ‘yung kanilang inimport (import). Kaya’t medyo natagalan dahil inantay pa natin ‘yung 15 days.
At sinusubukan natin ngayon bawasan ‘yung 15 days into seven days. Dahil kung legal ka na importer, hawak mo lahat ng dokumento. Pag hinanap sa iyo ‘yan, bibigay niyo kaagad. So, bakit pa 15 days?
Sabi ko, baka kung anong mangyari diyan, mailulusot pa nila ‘yan. Kaya’t sabi ko, gawin natin ang lahat para makuha na ng pamahalaan, makuha na ng Bureau of Customs.
Ang Bureau of Customs naman ay ginawa ‘yung nakuha na bigas na ito ay binigay na donasyon sa DSWD. Kaya’t ang dinaanan namin sa pagbigay ay ang 4Ps. Ginamit natin ‘yung listahan ng mga 4Ps. [applause]
Kaya po ay nabigyan kami ng pagkakataon. Sabi ko pamigay natin kaya’t nandito po tayo at pinapamimigay po natin… Naka-ready na ba ‘yung mga muscle ninyo dahil mabigat… [Sa ulo, sa ulo.]
Dahil mabigat-bigat ito. Pagka nagpapamigay ako 25 kilos. Sabi ko, ipapamigay natin 25 kilos. Hindi na kailangan mag-gym mamaya. Hindi na kailangan mag-exercise. Nag-exercise na ako dito.
Ngunit kaya patuloy po ito para sigurado na kayo po ay may sapat na bigas at kung lahat ng gagawin po natin ay patuloy. Hindi natin titigilan ang pagpaganda ng agricultural sector, ang pagpaganda ng ating ani, ng cost of production ng ating production levels.
Lahat po ‘yan kailangan natin gawin, pati na ang mga pagtulong sa mga cooperatives, sa mga association tungkol sa processing para sila na ang mag-process para pagbenta nila, hindi sila nagbebenta ng palay, nagbebenta sila bigas na para mas malaki ang kikitain nila.
Kaya’t yun ang mga ating ginagawa. Ngayon napilitan tayo na mag-price cap dahil naalarma talaga ako. Kung ako lang, ayokong pakialaman ang merkado ngunit hindi naman tama ang takbo ng merkado dahil kinakalikot nga nung mga hoarder at saka ng mga smuggler. Kaya’t naglagay tayo ng price cap.
Ngayon, sa kabilang panig naman ay kailangan din natin tiyakin na ang farmer… Lahat naman nito sasabihin na food supply, production. Lagi kong sinasabi sa mga kasama ko sa DA, huwag niyong kalimutan na kailangan naman mayroong magandang hanapbuhay ang ating mga magsasaka.
Kaya ang ginawa namin ay tinaas namin ang buying price ng NFA sa wet and dry palay. Ngayon, 16 to 19 na ang ating binibili para sa wet at 19 to 23 para sa dry. At ‘yan po para naman matiyak… 14 pesos ang cost of production ngayon. Sa 14 pesos palagay ko mayroon na silang makukuha diyan, mayroon na silang magagamit na bumabalik sa kanila.
Kaya’t ayan po. Iyan ang dahilan kung bakit po tayo nandito, nag-inspeksyon lang po ako. Mayroon din po kaming binibigay na mga ayuda para sa iba’t ibang mga kooperatiba at tinutulak namin ang ating tinatawag na biofertilizer.
Hindi na ito ‘yung imported na nagmamahal na hindi mo malaman na sumasabay sa langis, presyo ng langis, ‘yung urea, sumasabay sa presyo ng langis ‘yan. Wala tayong kontrol diyan.
Kaya’t pinag-aralan ng DA kung papaano gagawin. Mayroong maraming nag-o-offer at sinasabi biofertilizer.
So, mayroon din po tayong ibibgay na ganyan. Tuturuan po natin ang ating mga cooperative kung paano gamitin nang sa ganon ay makakamura ulit sa urea, sa ayuda na ating ginagamit para sa mga magsasaka.
Iyan po ang aming ginagawa para naman ay matiyak na lahat ng Pilipino ay mahabol man lang ang kanilang food supply. Mapakain lang ang pamilya, mapakain ang sarili. Iyon po ang hangarin natin at kailangan nasa presyong kaya na bayaran ng ating mga kababayan. [applause] Kaya ‘yan po ang aming ginagawa.
At asahan po ninyo kung ano man ang mangyari pa, asahan po ninyo na gagawin po ng inyong pamahalaan lahat ng kailangang gawin upang hindi naman kayo maiwanan, upang hindi naman kayo mahirapan at lahat po ng kayang gawin ng pamahalaan ay gagawin namin. Iyan po ay aming trabaho kaya po tayo nandito para tulungan kayo.
Maraming salamat at magandang tanghali sa inyo. [applause]
— END —
Watch here: Distribution of Confiscated Smuggled Rice
Location: General Trias Sports Park, General Trias, Cavite