Crowd: BBM! BBM! BBM!]
Maraming, maraming salamat sa inyong lahat sa pagpakilala sa akin at sa napakainit naman na salubong. Hindi ko akalain na ganito ang magiging salubong ko dito sa Nabua. Kaya naman ako’y natutuwa na dito ang aming pinili para i-launch, para ilabas ang ating proyekto, programa na Bagong Pilipinas.
Isang maganda, malusog, at mapagpalang umaga po sa inyong lahat![cheers and applause]
Kami po ay nagagalak na makasama kayo ngayon sa paglunsad ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair dito sa Camarines Sur.
Kasabay din po nating nagdiriwang sa araw na ito ang mga taga-Ilocos Norte, taga-Davao de Oro, at Leyte dahil kasalukuyan din sila nagsasagawa sa kanilang mga lalawigan ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair tulad nito.
Makikita po ninyo sa… [Hindi nakikita ng mga tao.] Pero mayroon tayong livestream po doon sa mga iba’t ibang lugar para sabay-sabay ang ating pagdiriwang ng paglunsad ng Bagong Pilipinas.
Ang programang ito ay isa lamang sa mga unang hakbangin ng pamahalaan upang magkaroon ng bagong pag-asa at bagong simula ang mga Pilipino.
Magkakahiwalay man ang ating mga isla, pinagbubuklod-buklod naman tayo ng isang diwa at isang pangarap: isang Bagong Pilipinas para sa Bagong Pilipino. [cheers and applause]
Tinipon namin ang iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan upang sama-samang maghatid sa inyo ng mga benepisyong magpapagaan sa inyong mga kalagayan.
Andito po ang mga ibang Kalihim, mga ibang Cabinet Secretary. Nandito po ang tiga-DOLE na Secretary, Secretary Benny Laguesma. [applause]Andito rin po ang ating Trade and Industry, Department of Trade and Industry Secretary, Secretary Fred Pascual. [applause] Kasama po rin natin ang Kalihim ng Departamento ng Interior and Local Government, ang ating Secretary sa DILG, Secretary Benhur Abalos. [applause]
Si Secretary ng DOTr or Transport ay nandito rin, nandito rin si Secretary Jimmy Bautista. [applause]
Nakasama din po natin, pinasama natin para makita niya kung ano ba ang mga puwedeng gawin para makatulong pa, andito rin po ang ating BIR Commissioner na si Jun Lumagui. [applause]
Hindi ko pa nabati pala si — ang ating mga kaibigan, kay Congressman LRay, good morning. [applause]
Nandito rin po ang ating PNP Chief, ang ating PNP Chief na si Benjie Acorda. [applause]
Nandito, binabasa ko ‘yung mga greetings dito. Sabi ko parang Ilocos Norte ‘to pare-pareho ang pangalan. Governor Luigi [applause]; Congressman Migz na dating gobernador ninyo [applause]; ‘yung mga beneficiaries ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair; mga kapwa kong kawani sa pamahalaan; at kayong lahat na mga tiga-Nabua; at lahat na, hanggang sa iba’t ibang lugar kung saan tayo ay nagbubukas ng Bagong PIlipinas na programa, magandang umaga po sa inyong lahat. [applause]
Nakikita naman po ninyo full force ang lahat ng mga kagawaran at institusyon ng gobyerno ngayon, mula sa pagbibigay ng tulong medikal at pangkalusugan, pinansiyal, pangkabuhayan, at pang-edukasyon.
Andito rin po ang ating CHED Chairman na si Popoy De Vera. Siya ang namamahala sa mga SUC at sa mga scholarship program.
Isama pa natin ang ating flagship program na “Kadiwa ng Pangulo” kung saan ginagawa namin lahat upang makapagbenta ng mura ng mga iba’t ibang bagay.
Narito rin po ang Passport on Wheels, Driver’s License registration/assistance, National I.D., NBI, Police Clearance. Lahat ito ay puwedeng mag-apply dito upang hindi na ninyo kailangan pang lumayo para magkaroon ng mga ito.
Marahil, dito na rin ninyo matatagpuan ang inyong Pag-IBIG. Baka po iba ang iniisip niyo. Ang tinutukoy ko po ay ang application para sa inyong pangarap na murang pabahay.
Ilan lamang po itong mga ito sa maaari ninyong i-avail sa araw na ito. Maliban po sa serbisyo fair, namahagi din po tayo ng ilang mga ayuda.
Upang matulungan ang mga magsasaka, nagbigay po ang DA, the Philippine Coconut Authority, PHILMEC, at National Dairy Authority ng mga traktor, harvester, trak pangkarga, at iba pang kagamitang pangsakahan.
Hindi rin po natin nakakalimutan ang ating mga mangingisda dahil ang BFAR ay namigay rin ng mga fish cage package at ilang bangkang de-motor.
Namigay din po ang DOH ng mga wheelchair na maaaring magamit ng ating mga senior citizen at mga may sakit.
Alam po namin na marami tayong iniindang hirap sa panahong ito, kung kaya’t sana ay makatulong ito sa inyo nang lubos.
Bago po ako magtapos, nais ko pong magpa-salamat sa mainit ninyong pagtanggap sa akin dito sa CamSur. [cheers and applause]
Asahan po ninyo na patuloy naming pagbubutihin ang aming paglilingkod sa bayan.
Iisa po ang ating hangarin na maisulong ang Bagong Pilipinas na maipagmamalaki nating ipamana sa ating mga anak at sa mga susunod na henerasyon.
Sa tulong ninyo, mapagtatagumpayan natin ang anumang mga hamon sa buhay. Basta’t nagkakaisa, walang pagsubok o kahirapan ang hindi natin kakayanin.
Muli, maraming salamat at maligayang pagdating sa Bagong Pilipinas! [applause]
— END —
Panoorin: Bagong Pilipinas Serbisyo Fair National Launch
Lokasyon: Nabua, Camarines Sur