No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

#LigtasPilipinas sa panganib ng bagyo

Higit-kumulang 20 bagyo ang pumapasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) bawat taon. Ito ay nagdudulot ng malakas at mabilis na hangin at pag-ulan na maaaring maging sanhi ng matitinding pagbaha, daluyong ng bagyo at pagguho ng mga lupa.

Mga uri ng bagyo

Sa Pilipinas, ang pinakamalakas na bagyong naranasan ay ang Super Typhoon ‘Yolanda’ (Haiyan). Ang taglay nitong lakas ng hangin ay umabot sa 315 kilometri kada oras (kph).

Ang malakas na hangin na dulot ng bagyo ay kayang makasira ng kabahayan at makabuwal ng mga puno, poste at iba pang istruktura.

Maaari ring makaranas ng pagbaha dahil sa malakas at tuloy-tuloy na pag-ulan. Ang matinding pagbaha ay maaaring makapinsala ng mga pananim at istruktura. Maaari ring makontamina ang mga inuming tubig at magdala ng mga sakit.

Samantala, ang maaari ring maranasan ng mga malapit sa dagat ang daluyong ng bagyo o storm surge na nagdudulot ng matataas at malalakas na alon at pagbaha.Posible din ang pagguho ng lupa at pag-agos ng putik dahil sa malakas at tuloy-tuloy na pag-ulan sa mga bulubundukin at matatarik na lugar.

Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS)

Samantala, nagpapapalabas  ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ng Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) upang bigyang babala ang publiko sa pagdating ng sama ng panahon, lakas ng bagyo, at ang mga lugar na maaapektuhan nito.

Ang signal number sa isang lugar ay nakabatay sa tindi, laki ng sirkulasyon, direksyon, at bilis ng isang bagyo. Habang kumikilos ang bagyo sa loob ng PAR, maaaring itaas o ibaba ang ibinigay na TCWS. Kahit mahina ang hangin, ang bagyo ay maaaring magdala ng malakas na ulan na maaaring maging sanhi ng mga pagbaha at pagguho ng lupa.

Inaabisuhan ang publiko bigyang atensyon ang mga ulat panahon, maging handa at sumunod sa abiso ng lokal na pamahalaan.

Maliban sa Severe Weather Bulletin na inilalabas ng PAGASA ay maaari ring maglabas ng mga karagdagang babala ukol sa panahon tulad ng Gale Warnings, Heavy Rainfall Warnings at General Flood Advisories.

Depende sa lakas ng bagyo, maaaring magkaroon ng malalaking pag-alon at magiging mapanganib ang paglalayag sa karagatan.

Heavy Rainfall Warning

Isa sa epekto ng bagyo ay ang tuloy-tuloy, malalakas at malawakang pag-ulan kaya naman ang PAGASA ay nagbibigay ng Heavy Rainfall Warning. Ito ay may kaakibat na inaasahang epekto at aksyon ng paghahanda ng publiko.

Hangarin ng mga impormasyong ito na magbigay kaalaman at babala sa publiko upang makapaghanda sa mga panganib na dala ng malakas na ulan tulad ng pagbaha at pagguho ng lupa.

Upang maging ligtas sa epekto ng bagyo narito ang ilang paalala:

Bago – Tumutok sa mga ulat ng panahon

  • Alamin ang balita ukol sa panahon at mga anunsyong pangkaligtasan.
  • Alamin ang plano ng komunidad sa pagbibigay-babala at paglikas.
  • Suriin ang bahay at kumpunihin ang mga mahina o sirang bahagi nito.
  • Ilikas ang mga alagang hayop sa ligtas na lugar.
  • Ihanda ang GO BAG na naglalaman ng mga pangangailangan ng pamilya.
  • Kapag inabisuhan ng kinauukulan, mabilis na lumikas sa itinakdang evacuation center.

Habang – Manatiling Alerto

  • Manatiling mahinahon.
  • Manatili sa loob ng bahay o evacuation center at makinig sa pinakabagong balita at taya ng panahon.
  • Patayin ang main switch ng kuryente at valve ng tubig.
  • Gumamit ng flashlight o emergency lamp. Maging maingat sa paggamit ng kandila o gasera.
  • Umiwas sa mga salaming bintana at pinto.

Pagkatapos – Maging alerto at mag-ingat

  • Hintayin ang abiso ng kinauukulan na ligtas nang bumalik sa tahanan.
  • Umiwas sa mga natumbang puno, nasirang gusali at linya ng kuryente.
  • Huwag gumala upang hindi maabala ang emergency services.
  • Maging maingat sa pagsasaayos ng mga nasirang bahagi ng bahay.
  • Siguraduhing walang basa o nakababad na outlet o kagamitan bago buksan ang linya ng kuryente.
  • Itapon ang mga naipong tubig sa lata, paso at gulong upang hindi pamahayan ng lamok.

Kinakailangan ng pagtugon mula sa publiko upang masigurong ligtas ang bawat isa sa anumang sakuna. (KSAA – PIA CPSD)

About the Author

Kate Shiene Austria

Information Officer III

Information Officer III under the Creative and Production Services Division of the Philippine Information Agency. 

Feedback / Comment

Get in touch