No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Mangrove planting isinagawa bilang bahagi ng pagdiriwang ng araw ng kabataan

MOGPOG, Marinduque (PIA) -- Umabot sa 500 mangrove propagules ang naitanim sa Barangay Ino, Mogpog Marinduque sa pamamagitan ng ‘Ambagan Para sa Puso ng Kalikasan’ bilang bahagi ng pagdiriwang ng pandaigdigang araw ng mga kabataan.

Ito ay sa pangunguna ni Vice Gov. Romulo Bacorro Jr., at ng Ecological Justice League of Youth Leaders ng Mimaropa Region.

Bukod dito, katuwang din sa makasaysayang eco-advocacy project na ito ang National Youth Commission, Department of Environment and Natural Resources-Marinduque, Ambagan PH, at Rotary Club Marinduque North District 3820.

Kabilang sa mga nakiisa sa gawain ay ang mga kabataan mula simbahan, akademya at komunidad. Maging ang mga fraternities at sororities, motorcycle riders, Philippine Army, Bureau of Fire Protection, REACT Moriones, at ilang mga opisyales ng gobyerno ay nakilahok din.

Nakiisa ang mga kabataan mula simbahan, akademya at komunidad sa pagtatanim ng mangrove sa Barangay Ino, Mogpog. (Larawan mula sa Opisina ni Vice Gov. Bacorro)

Taos-pusong pasasalamat naman ang ipinaabot ng Sangguniang Barangay ng Ino sa pangunguna ni Punong Barangay Victor Lacerna at Sangguniang Kabataan Chairman Erwin Malinao sa matagumpay na adbokasiya.

"Sa mga mga kabataan na tumatayo upang ipaglaban ang kanilang karapatan para sa isang malusog na tahanan at luntiang kalikasan, isang paalala, hindi na kayo ang bukas, sapagkat kayo na mismo ngayon ang humuhubog ng inyong bukas. Tandaan po ninyo, ang pagprotekta sa kalikasan ay nagsisimula sa pagkilala na tayo ay bahagi ng kalikasan. Dahil ang lahat ng nasa atin ay nanggaling sa kalikasan, kaya tayo at ang kalikasan ay iisa, dahil ang lahat ay magkakaugnay," pagtatapos na pahayag ni Bacorro. (JDMO/RAMJR/PIA Mimaropa)

About the Author

Romeo Mataac, Jr.

Writer

Region 4B

Romeo is the information center officer of Philippine Information Agency-Marinduque.

Feedback / Comment

Get in touch