Ayon sa alkalde ng bayan na si Vicente Pagurayan, nagagalak siya at unti-unti nang pumapasok ang kaunlaran at progreso sa kanilang lugar.
“Malaki ang pagpapahalaga namin sa edukasyon ng mga kabataan at hangad namin na maging komportable ang mga mag-aaral sa kanilang pag-aaral,” aniya.
Nanawagan din siya sa mga residente na nalilinlang ng teroristang grupong CPP-NPA-NDF na itigil na ang pagsuporta sa kanilang maling adbokasiya.
"Mamulat na kayo sa katotohanan, wala kayong napala at mapapala sa inyong pagsuporta sa teroristang grupo. Narito ang inyong tunay na gobyerno. Tingnan ninyo ang nangyayaring progreso sa ating mahal na bayan. Magtulungan tayo para tuloy-tuloy na makamit ang kapayapaan at kaunlaran sa ating lugar. Without peace we cannot attain development,” dagdag niya.
Ayon naman kay Lt. Gen Arnulfo Marcelo B. Burgos, commander ng Northern Luzon Command, malaking tulong ang mga bagong silid aralan para sa paghubog ng mga susunod na lider ng bayan.
“Nawa'y gamitin natin itong pagkakataon upang mahubog ang mga kabataan na maging isang lider na magmamana ng isang maayos at mapayapang bayan,” sinabi pa ni Burgos.
Samantala, inihayag naman ni MGen Laurence E Mina, commander ng 5ID, na sa pagtutulungan ng bawat isa ay mapupuksa na ang insurhensiya sa naturang lugar.
“Ang tulong na iniaabot ng kasundaluhan para sa mga residente ay hindi mapapatid lalo pa’t patuloy nang humihina ang pwersa ng teroristang grupo sa naturang lugar na nagresulta sa pagpasok ng mga proyektong magdudulot ng kaunlaran sa pamayanan,” diin pa niya.
“Masaya kami na ang ating Community Support Program ay napakaepektibo sapagkat ito ang nagiging tulay upang magkaisa at magtulungan ang ibat-ibang ahensiya ng gobyerno maging ang mga pribadong sektor upang matugunan at maisagawa ang mga ganitong proyekto lalo na sa mga liblib na lugar,” sinabi naman ni Lt.Col Angelo C Saguiguit, ang commanding Officer ng 17IB.
Layunin ng GMAKFI na maibahagi ang isang kalidad na edukasyon para sa mga mag-aaral na nasa liblib na mga lugar. (MDCT/May ulat mula sa 17IB/PIA Cagayan)