No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Unang water desalination project ng DOST-Mimaropa, pinasinayaan sa Marinduque

SANTA CRUZ, Marinduque (PIA) -- Pormal nang pinasinayaan ang water desalination project ng Department of Science and Technology (DOST) na itinayo sa isla ng Mongpong, bayan ng Santa Cruz, Marinduque.

Ayon kay Bernardo T. Caringal, Provincial Science and Technology Director ng DOST-Marinduque, maituturing na ito ang kauna-unahang water desalination project na naitatag ng DOST-Mimaropa sa buong bansa.

"Ang inisyastibo pong ito ang magiging modelo ng mga susunod naming proyekto na posibleng itayo sa iba pang mga isla sa Pilipinas na hirap at kulang sa malinis na inuming tubig," pahayag ni Caringal.

Ang water desalination machine at iba pang equipment na ginamit sa nasabing proyekto ay pinondohon ng DOST nang humigit P2.7 milyon sa ilalim ng programang Community Empowerment thru Science & Technology (CEST).

Ang water desalination machine at iba pang equipment na ginamit sa nasabing proyekto ay pinondohon ng DOST nang humigit P2.7 milyon sa ilalim ng programang Community Empowerment thru Science & Technology. (Larawan mula kay Jhim Pastrana/Barangay Mongpong)

Layunin ng programa na makapagbigay ng malinis na inuming tubig sa mga mamamayang naninirahan sa isang isla na hirap sa mapagkukunang inuming tubig dahil napaliligiran ng dagat.

Samantala, naglaan naman ng kaukulang pondo ang pamahalaang bayan ng Santa Cruz para sa pasilidad at iba pang pangangailangan ng naturang proyekto.

Sa pamamagitan ng water desalination project, makikinabang ang may 340 kabahayan o katumbas ng halos 1,500 na mga residente sa lugar.

"Taus-puso po kaming nagpapasalamat dahil hindi namin inaasahan na magkakaroon ng ganitong proyekto sa aming isla dahil matapos ang napakaraming taon ay naging posible ang akala naming imposible na ang tubig-alat na nakapalibot sa aming lugar ay maaari palang maging tubig-tabang para maging inumin ng mamamayan," ani Victoria Rellano, kapitan ng Barangay Mongpong.

Sa ngayon, ang dating P60 per gallon na inuming tubig ay mabibili na lamang sa halagang P25 kada galon. (RAMJR/ENSJR/PIA MIMAROPA)

About the Author

Romeo Mataac, Jr.

Writer

Region 4B

Romeo is the information center officer of Philippine Information Agency-Marinduque.

Feedback / Comment

Get in touch