Matatandaan na noong Hunyo nakaraang taon, isa ang nanay ni Alyas Gabby sa mga pumirma ng financial agreement sa headquarters ng 17IB sa bayan ng Lal-lo para sa pagproproseso ng kanilang cheke.
Ayon kay NHA Regional Manager Roderick Ibañez, bagama’t desisyon pa rin ng mga benepisyaryo kung ano ang magiging disensyo ng ipapatayo nilang bahay, may ginawa silang disenyo na maaari nilang gamitin.
Ang disenyo ng NHA ay may laking 28.4 square meters. Binubuo ito ng dalawang kwarto, isang kusina, isang palikuran, sala at hapag-kainan.
“Natutuwa kami at nakapagbigay kami ng tulong. Maliit na kontribusyon sa pinakamithiin ni Pangulong Rodrigo Duterte na magkaroon ng isang komprehensibong programa para sa ating mga kapatid [dating rebelde]. Nawa'y makatulong ito sa inyo para sa ikapapanatag ng inyong buhay at kapayaaan ng ating lugar,” ani Ibañez.
Sinabi pa ni Ibañez na handa rin magbigay ng tulong teknikal ang mga kasamahan niya sa NHA para sa pagpapatayo ng kanilang bahay kung kinakailangan.
Samantala, nagpapasalamat naman ang dalawang dating rebelde mula sa Kalinga sa NHA at sa 50th Infantry Battalion para sa pagbibigay sa kanila ng oportunidad na magkaroon ng mas maayos na bahay hindi lamang para sa kanila kundi para sa kanilang pamilya.
Sinabi naman ni MGen Laurence E Mina, ang komander ng 5th Infantry Division, Philippine Army, na hindi bibiguin ng pamahalaan na tulungan ang mga sumukong rebelde at kanilang pamilya.
“You had entrusted us your confidence when you returned to the folds of the law. It is our time to give what you deserve under the E-CLIP intended for you,” sinabi pa ni Mina.
Hinikayat pa ng komander ang mga natitirang miyembro ng Communist Terrorist Group na sumuko na upang makapamuhay nang normal at mapakinabangan ang mga benepisyo ng pamahalaan sa ilalim ng ‘Whole of Nation Approach’.
Sa kabilang banda, matatandaan na sinabi rin ni Lt. Col. Angelo Saguiguit, komander ng 17IB, na kapag nagsimula na ang pagpapatayo ng bahay ng pamilya ng Alyas Gabby ay magdedeploy siya ng mga sundalo upang masiguro na maayos ang implementasyon nito.
“Maliban sa babantayan natin ang pagpapatupad ng mga proyekto, sisiguraduhin din natin ang proteksiyon ng mga dating rebelde upang hindi na sila muling guluhin pa ng ibang miyembro ng NPA,” ani ni Saguiguit.
Ang tulong pabahay na ito ay naging possible sa ilalim ng Administrative Order No. 10, na pinirmahan ni President Rodrigo Duterte. (MDCT/PIA Cagayan)