No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

12 anak ng mga mangingisda sa Marinduque, nasungkit ang BFAR scholarship

BOAC, Marinduque (PIA) -- Bumida ang 12 anak ng mga mangingisda sa Marinduque makaraang makapasa sa national qualifying examination na alok ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Nakuha ni Anne Janette Sotto mula Buenavista National High School ang pinakaunang pwesto sa lahat ng nag-sulit. Kabilang din sa nakapasok sina Jasmine Joy Jandulong, Jhaness Cha, Angel Salvoro, Jevens Falcan, Mariella Bayer, Warren Dela Cruz, Jernel Sabucuhan, Mhark Joshua Vidal, Jhun Luna Francisco III, Bernadette Ornos at Jerryco Briquillo.

Ayon kay Krizza Roumae M. Asilo, focal person ng Fisheries Scholarship Program ng BFAR-Mimaropa, mula sa 16 na mag-aaral na kumuha ng pagsusulit sa Marinduque State College noong Nobyembre 6, nakapasa ang 12 rito sa ilalim ng Fisherfolk Children Education Grant (FCEG) program.

Listahan ng mga mag-aaral na nakapasa sa katatapos lamang na national qualifying examination handog ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources. (Larawan mula sa BFAR-Mimaropa)

Aniya, ang FCEG ay isang programa ng kanilang ahensya na layong mabigyan ng libreng matrikula at iba pang insentibo ang anak ng mga rehistradong mangingisda sa bansa.

"Ito po ay programa ng BFAR na nagbibigay ng full scholarship sa mga mag-aaral na kukuha ng Bachelor of Science (BS) in Fisheries," pahayag ni Asilo.

Ang mga pasado ay makatatanggap ng full scholarship grant, libreng miscellaneous at school fees.

Bibigyan din sila ng P5,000 buwanang stipend, P2,000 book allowance sa bawat semestre, P2,000 na one-time relocation allowance, P2,000 na one-time uniform allowance, P7,000 para sa research at thesis papers at P4,500 na suporta para sa kanilang graduation at on the job training (OJT).

Umaasa ang BFAR na ipagpapatuloy ng mga scholar ang BS Fisheries, sapagkat isa itong magandang kurso na makatutulong sa pagpapayaman ng sektor ng pangisdaan, hindi lamang sa rehiyon bagkus ay sa buong Pilipinas. (RAMJR/PIA MIMAROPA)

About the Author

Romeo Mataac, Jr.

Writer

Region 4B

Romeo is the information center officer of Philippine Information Agency-Marinduque.

Feedback / Comment

Get in touch