LUNGSOD NG QUEZON (PIA) -- Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang 194 programang pang-imprastraktura na nagkakahalaga ng humigit kumulang P9 na trilyon bilang bahagi ng Build Better More Program ng administrasyon.
Ayon sa pangulo, layunin nitong mabigyan ng mas maginhawa at mas maunlad na buhay ang iba’t ibang sektor ng ating lipunan. Dagdag pa niya, “Ito ang landas na ating tatahakin tungo sa isang bagong Pilipinas.”
Nilinaw ni Pangulong Marcos na sa 194 proyekto na nasa listahan ng NEDA, 123 ang inisyatibo ng kanyang administrasyon samantalang ang ibang mga proyekto naman ay nasimulan na noong patapos na ang termino ni dating pangulong Rodrigo Duterte. Aniya, ang isang proyekto ay dapat ituloy kung ito ay maganda, kapaki-pakinabang at dumaan sa masusing pag-aaral.
“Ang imprastraktura ay kaunlaran lalo na’t kasama nito ay masusing pag-aaral. Sa ganitong paraan, walang masasayang na pondo dahil ang bawat proyekto ay mapapakinabangan ng mamamayan,” saad ni Pangulong Marcos.
Ang mga proyektong ito ay may kinalaman sa digital connectivity, flood control, irigasyon, suplay ng tubig, kalusugan, at enerhiya. Bukod pa ito sa mga tren, highway, at tulay na gagawin.
Sa isang press briefing na ginaganap noong ika-14 ng Marso, inilatag ni DPWH Secretary Manuel M. Bonoan ang estado ng ilan sa mga proyekto ng administrasyon. katulad ng unang segment ng NLEX-SLEX connecter na malapit nang maging handa para sa inagurasyon.
Nakalinya na rin para sa inagurasyon ang flood mitigation projects sa Cagayan de Oro, at ilang road projects sa Mindanao.
Kabilang naman sa mga proyektong naipatupad ng Department of Public Works and Highways mula July hanggang December 2022 ang 1,500 kilometrong national roads at local roads sa bansa.
Ayon kay Secretary Bonoan, may listahan din sila ng mga tulay na handa na para sa groundbreaking at naipresenta na nila ito kay Pangulong Marcos.
Mayroon namang mga proyektong magiging handa na para sa groundbreaking bago dumating ang SONA ngayong taon. Kabilang dito ang mga gusali para sa National Kidney and Transplant Institute; ang pediatric and adult’s specialty center ng Philippine General Hospital; Philippine Children’s Medical Center; at Philippine Cancer Center.
Nabibilang naman sa listahan ng mga kasalukuyang ginagawa ang isang tulay na magkokonekta sa Cavite at Bataan. Ayon kay Bonoan, ang tulay ay may habang 32 kilometro
Ayon kay Pangulong Marcos, ang pinakaunang benepisyo na matatamo ng bansa mula sa mga proyektong ito ay pagkakaroon ng trabaho. Aniya, ang mga ito ay magbibigay ng mas maraming hanapbuhay para sa ating manggagawa, laborer, at skilled workers.
“Noong pandemic ay higit 1.4 million jobs ang naibigay ng infrastructure projects sa atin. Ito ay karagdagang 1.4 milyon na pamilyang Pilipino na may pagkain sa mesa kaya’t ang pag-a-apruba ng 194 projects na ito sa iba’t ibang bahagi ng bansa ay may dala dala ring milyon-milyong trabaho para sa ating mga kababayan,” paliwanag ng pangulo.
Sinabi rin ni Pangulong Marcos na ang mga proyektong ito ay makakatulong na masulosyunan ang problema sa trapiko. Ayon umano sa pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency, mahigit P3 bilyon ang nawawala sa Pilipinas kada araw dahil sa naaksayang oras sa trapiko.
“Sa pagpapaganda ng ating mga railway system, hangad nating hikayatin ang mas maraming tao na gumamit nito at mabawasan ang mga pribadong sasakyan sa kalsada. Sa pagpapalawak ng ating mga high-way, pagtatayo ng mga bagong tulay at kalsada, magkakaroon ng bagong daluyan ang ating trapiko,” paglilinaws ng pangulo.
Ang ikatlo naman aniyang benepisyo ay para sa food security at pagbaba ng presyo ng pagkain. Sinabi ni Pangulong Marcos na “sa pamamagitan ng mga infrastructure project para sa ating irrigation system, masisigurong may maasahang sistemang patubig ang ating mga sakahan. Ang patuloy ring pagpaparami ng farm-to-market road ay magbibigay ng mas maraming oportunidad para sa ating magsasaka. Ito ay mga bagay na maaring makapagbaba ng presyo ng bilihin mula sa ating mga bukid.”
Ikaapat na benepisyo ay para naman sa pagtugon sa climate change. Paliwanag ng pangulo, “Mas inihahanda tayo ng makabagong infrastructure sa mga epekto ng climate change. Lagi naming ipinapaalala sa mga magtatayo ng mga bagong infrastructure na isipin lagi ang climate change. Mayroon tayong mga flood management project na nailatag. May mga infrastructure na gagawin para patibayin ang ating water supply system.”
Makakatulong din umano sa digitalization ng ating bansa ang mga proyektong ito. Naniniwala ang pangulo na ang internet ay mahalagang bahagi ng araw-araw na pamumuhay. Ito aniya ay lalong magbibigay ng kabuhayan at oportunidad sa bansa at magiging tulay na magbubuklod sa ating sambayan.
“It should connect markets and involve more people in the digital economy. Hindi lang pang local kundi sa global market din,” dagdag pa ni Pangulong Marcos.
Ikaanim na benepisyo ay sa ukol naman sa energy sector. Sinabi ng pangulo na “upang magkaroon ng mura, sapat at maasahang supply ng kuryente, sa pagtatayo ng iba’t ibang energy infrastructure gaya ng powerplant, magkakaroon tayo ng mas maraming pagkukuhan ng kuryente. Layon ding maraming ang mga lugar na wala pang ilaw, bilang ating patuloy na misyon na makamit ang 100% electrification ng buong Pilipinas.”
Pampitong sektor naman aniya na makikinabang ay ang turismo. Ayon kay Pangulong Marcos, napakaraming magagandang lugar sa Pilipinas na kailangan lang gawing accessible upang dayuhin ng mas marami pang mga turista. Ito aniya ang magdadala ng mas maraming kabuhayan sa mga lalawigan ng bansa.
Para sa ika-walo at huling benepisyo, naniniwala ang pangulo na ang moderno at mas matibay na infrastructure ay maghihikayat ng mas maraming investor sa bansa.
“Magandang mga daungan ng barko para sa mga cargo ship, maasahang energy supply saang dako man ng bansa, connectivity sa pamamagitan ng mga communication towers at magandang mga kalye at paliparan upang maging accessible ang mga bawat lugar. Iyan ang mga hinahanap ng mga investor na nais magsimula ng negosyo sa ating bansa,” paliwanag pa niya.
Karamihan aniya ng mga proyektong ito ay maari lamang sa Public Private Partnership. “Marami rin dito ay magkakaroon ng sapat na pondo bunga ng ating mainit na pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang bansa. Kung kaya’t kasama ng NEDA, minabuti rin nating i-adjust ang guidelines ng ating joint venture para naman mas maging kaakit-akit ang investment dito sa Pilipinas,” paglilinaw ni Pangulong Marcos.
Dagdag pa niya, “Ang infrastructure ay kaunlaran, dala-dala ay mga benepisyong magpapaganda, ‘di lang ng ekonomiya kundi ang antas ng kalidad ng pamumuhay ng bawat Pilipino. Ipagbubuklod ang sambayanan, pisikal man o digital, gagawa ng paraan. Ang matitibay, moderno at de-kalidad na infrastructure ay daan tungo sa isang bagong Pilipinas.” (ARB, PIA-CPSD)
---
Photo Credit: Construction of Panguil Bay Bridge - DPWH