GENERAL SANTOS CITY (PIA) -- Kaisa ang Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) sa adhikain ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na sugpuin at pigilan ang paglaganap ng fake news kasama na ang pagkalat ng mga ito sa social media.
Ito ay matapos hinimok ni OPAPRU Undersecretary Wilben Mayor noong Sabado sa isang media briefing sa Quezon City ang women’s group na Gabriela na sundin ang mga umiiral na pamamaraan o alituntunin sa paghahain ng reklamo laban sa mga kawani ng gobyerno.
Sa isang social media post, inakusahan ng naturang grupo ang pagkasangkot umano ng ilan sa mga kawani ng OPAPRU sa pagdukot at pag-harass sa isa sa mga lider ng kanilang organisasyon na si Gabriela Partylist Marikina Chapter president Elizabeth Maynigo.
Bilang responde, mariin itong itinanggi ni Mayor at idiniin nito na walang katotohanan at basehan ang nasabing akusasyon, at nagpaalala ito sa Gabriela na maging responsable sa kanilang mga pahayag sa social media.
Aniya, hindi mananalo sa puso ng taong-bayan ang sinumang nagpapalaganap ng misinformation at iginiit nito ang pagsagawa agad ng OPAPRU ng internal checking noong kumalat ang alegasyon sa social media.
Paliwanag ng opisyal ng OPAPRU, ang kwento na isinakay umano si Maynigo sa isang sasakyan habang tinatanong ng grupo ng kalalakihan na nagpakilala bilang mga kawani ng OPAPP na dating pangalan ng OPAPRU ay pawang ilohikal, lalo na’t ang mga alegasyon ay hindi suportado ng mga sapat na ebidensya, samakatuwid maituturing bilang ‘hearsay’ o sabi-sabi lamang.
Dagdag pa ni Usec. Mayor, hindi nakatanggap ng kahit anong komunikasyon ang OPAPRU mula sa Gabriela upang alamin ang kanilang panig sa pagkakasangkot sa alegasyon, bagkus agad-agad itong nagpalabas ng nakapipinsalang pahayag na pwedeng sumira sa reputasyon ng ahensya. (HJPF/PIA SarGen)