No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Gov. Tamayo nanawagan ng patuloy na pagkakaisa ng RPOC 12

KORONADAL CITY, South Cotabato (PIA) -- "Kailangan nating magkaisa, AFP, PNP, kasama ang lahat ng mga miyembro, mga line agencies. Magkaisa tayo. Magtulungan tayo. Siguraduhin natin na magpapatuloy at titiyakin natin na maabot natin ang vision sa para sa Rehiyon Dose para pwede nating sabihin na ang Rehiyon Dose ay angat sa lahat. Hindi natin ito kayang gawin kung hindi tayo magkakaisa."

Ito ang kauna-unahang mensahe ni South Cotabato  Governor Reynaldo Tamayo Jr. bilang chairperson ng Regional Peace and Order Council (RPOC) 12. 

Matatandaang nitong Biyernes, opisyal na nanumpa si Gov. Tamayo bilang chairman ng RPOC 12 sa harap ni Department of the Interior and Local Government Regional Director Josephine C. Leysa,  bago niya pinangunahan ang unang pulong ng RPOC 12 nitong taon. 

Nanumpa naman sa harap ni Gov. Tamayo sina Maj. Gen. Alex S. Rillera, commander ng 6th Infantry Division ng Philippine Army, at Police Brig. Gen. Jimili L Macaraeg, director ng Police Regional Office 12, bilang mga vice chairpersons. 

Sa kanyang inaugural speech, binigyang-diin ni Gov. Tamayo na bagama't maraming responsibilidad ang iniatang ni Presidente Ferdinand Marcos Jr.  sa kanya, isa na rito ang pamumuan ang League of Provinces of the Philippines (LPP), ang pagiging chairperson ng RPOC 12 ay natatangi at mahalaga. 

"Sabi ko nga, ang isa sa pinakaimportante ay 'yong pagiging chairperson ng Regional Peace and Order Council ng Region 12 dahil ang lahat ng development , ang lahat ng nasa cycle ng development sa isang community ay nagsisimula sa kung paano natin palalakasin ang Regional Peace and Order Council at paano mapanatili natin ang kapayapaan. Siyempre kung nandiyan ang magagandang peace and order program matitiyak natin na sunud-sunod ang development," ayon sa opisyal. 

Nangako rin itong ipagpatuloy ang mga nasimulan ng naunang mga RPOC chairpersons.  Kabilang dito ang matibay na pagkakaisa ng mga miyembro ng RPOC sa laban sa teroristang kumunista sa ilalim ng Executive Order No. 70 sa administrasyon ni Presidente Duterte at laban sa iligal na droga.  (PIA SOCCSKSARGEN) 


About the Author

Danilo Doguiles

Officer-in-Charge

Region 12

Feedback / Comment

Get in touch