LUNGSOD NG COTABATO (PIA) -- Lalo pang pinalalakas ng pamahalaan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) kasama ang International Labour Organization (ILO) ang mga pagsisikap nito upang labanan ang child labor at child exploitation sa rehiyon.
Kamakailan ay nagpulong ang mga opisyal at kinatawan mula sa Ministry of Labor and Employment (MOLE) at Department of Labor and Employment (DOLE) dito sa lungsod ng Cotabato para sa Bangsamoro Regional Action Plan Against Child Labour (BRAP-CL) forum.
Kabilang sa mga tinalakay sa naturang pagpupulong ang mahahalagang kaganapan upang maisulong ang karapatang pambata at mabigyan ng agarang aksyon ang mga pang-aabuso na nararanasan ng mga bata.
Ayon sa pamahalaan ng BARMM, layon ng BRAP-CL na tuluyang wakasan ang child labor sa rehiyon sa pagsapit ng taong 2030 sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng tamang impormasyon, pagbibigay ng tulong pinasyal, programang pangkabuhayan, capacity building, at pagbuo ng matibay na mekanismo kasama ang iba pang mga stakeholder.
Samantala, binigyang-diin ni DOLE Undersecretary for Labor Relations, Policy, and International Affairs Cluster Atty Benedicto Ernesto Bitonio, Jr. ang mahalagang papel ng iba pang mga tanggapan sa BARMM, academe, non-government organizations, kabilang ang mga media organization bilang mga katuwang ng pamahalaan upang wakasan ang child labor sa buong rehiyon. (With reports from Bangsamoro Government).