LUNGSOD NG COTABATO (PIA) -- Higit 600 na Internally Displaced Persons (IDPs) mula sa Pigcawayan, North Cotabato at Datu Saudi Ampatuan sa Maguindanao del Sur ang nakinabang kamakailan sa libreng medical mission na isinagawa ng pamahalaan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), sa ilalim ng programang Tulong Alay sa Bangsamorong Nangangailangan (TABANG) project.
Katuwang ang Office of the Chief Minister (OCM) at Ministry of Health (MOH), ang mga IDP ay nabigyan ng libreng medical consultation, libreng gamot para sa mga may maintenance, at vitamins.
Ilang mga batang lalaki rin ang nakabenepisyo sa isinagawang operation tuli sa nabanggit na aktibidad.
Sinabi ni TABANG Project Health Ancillary Services head Sittie Majadiyah Omar, na layunin ng aktibidad na makapagbigay serbisyo sa mamamayang Bangsamoro na higit na nangangailangan ng serbisyong medikal, lalo na ang mga nasa malalayong lugar sa rehiyon.
Samantala, ang nasabing medical mission ay bahagi ng TABANG Project component na layong magbigay ng libreng serbisyong medical sa mamamayang Bangsamoro. (With reports from Bangsamoro government).