No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

LGU Sultan Kudarat nakikipagtulungan sa Malaysian at Indonesian consulate sa usapin ng turismo

ISULAN, Sultan Kudarat (PIA) -- Inaasahang lalakas ang ugnayan sa sektor ng turismo sa pagitan ng Sultan Kudarat at ng konsulado ng bansang Malaysia at Indonesia kasunod ng ginawang pulong kamakailan ng ilang mga opisyal nito.

Ayon kay provincial tourism officer KaharudIn G. Dalaten naging matagumpay ang ginawa nilang pakikipagpulong kay Malaysian Consul General Deddy Faisal nitong Miyerkules, Mayo 9, 2023 at Indonesian Consul General Dr. Achmad Djatmiko nitong Huwebes Mayo 10 sa kanilang konsulado sa Lungsod ng Davao.

Binigyang diin ni Dalaten na batay sa prayoridad ni Governor Datu Pax Ali S. Mangudadatu partikular nilang binalangkas ang mga isyung nauugnay sa tourism services, investment opportunities, at cultural understanding.

Palalakasin din, aniya, ng magkabilang panig ang partnership at collaboration lalo na sa agri-tourism kung saan kilala ang lalawigan bilang nangungunang producer ng kape sa bansa at mga agri-tourism adventure parks na nasa iba’t-ibang bayan nito.

Taon-taon ding ipinagdiriwang sa iba’t-ibang bayan ang mga Festival gaya ng Timpuyog Festival sa Bayan ng Lambayong sa buwan ng Pebrero; Sulok Festival ng Senator Ninoy Aquino tuwing Pebrero; Salagaan Festival ng Kalamansig–Hulyo; Kastifun Festival ng Columbio–Agosto; Kapeonan Festival ng Lebak–Agosto; Hamungaya Festival ng Isulan–Agosto 30; Talakudong Festival ng Tacurong City–Setyembre; Kanduli Festival ng Lutayan–Oktubre 12; Kalimudan Festival ng buong probinsiya– Nobyembre; Bansadayaw Festival ng Bagumbayan-Nobyembre; Hinabyog Festival ng Esperanza– ikalawang linggo ng Nobyembre; Kalilang Festival ng Palimbang–Nobyembre 11; at Sambuyawan Festival ng President Quirino tuwing ikatlong linggo ng Nobyembre.

Tiwala rin si Dalaten, sa tulong ng Indonesian Government, maraming mga kapatid sa ASEAN ang bibisita sa probinsiya at maging sa Mindanao upang maranasan at makita ang mga mayayamang kultura rito, mga wildlife at bird sanctuaries, mga magagandang lawa, agri-eco adventure parks, mountain ridges, diving spots, waterfalls at higit sa lahat ang “one-of a kind hospitality” ng mga residente.

Sa nasabing pulong, inimbitahan din ng Indonesian Consulate office ang mga Pilipinong turista na subukan ang bagong flight route mula Davao City papuntang Manado, Indonesia sa loob ng isa at kalahating oras na biyahe. (PIA 12)

About the Author

Aida Agad

Writer

Region 12

Feedback / Comment

Get in touch