Ipinagtibay nitong Martes ni World Bank (WB) Managing Director for Operations Anna Bjerde ang kanyang suporta sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagsulong ng layunin nitong magkaroon ng isang maunlad, inclusive, at lipunang wala nang kahirapan ngayong 2040.
Matapos ang kanyang dalawang araw na pagdalaw sa Pilipinas, bumisita si Bjerde sa mga miyembro ng gabinete sa Malacañang Palace upang pagtugmain ang prayoridad ng WB sa mga pangunahing development agenda ng Pilipinas.
Sa isang pulong kasama ang mga pangunahing opisyal ng administrasyon, ipinaabot ni Bjerde ang patuloy na pagtitiyak ng WB sa pagsuporta sa mga agenda ng pag-unlad ng bansa, kabilang ang climate change, paglipat sa renewable energy, pagkain at agrikultura, tubig at sanitasyon, inobasyon at digitalization.
Ayon kay Bjerde, ang post-pandemic recovery ay kasalukuyang nagaganap sa Pilipinas, kung saan nagtatagumpay sa pandaigdigang hamon ang malakas na lokal na demand. Simula noong 2022, ang ekonomiya aniya ay patuloy na lumalago, dagdag pa ang malaking pagbawas sa mga kaso ng COVID-19 na nagbigay-daan sa ganap na pagbubukas muli ng ekonomiya.
Ang World Bank ani Bjerde ay kaisa ng Pilipinas sa pagtataguyod ng pangmatagalang pag-unlad at maginhawang paglago, pagkamit ng katayuan bilang isang bansang nasa upper middle-income, at sa huli, maging isang middle-class society sa taong 2040.
Tinukoy ng WB ang magandang progreso ng Pilipinas sa implementasyon ng kasalukuyang mga proyekto nito at ipinahayag ang kanilang hangarin na suportahan ang pang-ekonomiyang agenda ng administrasyong Marcos.
Alinsunod sa Philippine Development Plan (PDP) 2023-2028 para sa matinding pagbabago sa ekonomiya at lipunan, sumang-ayon ang WB na suportahan ang mga prayoridad ng pamahalaan sa pamamagitan ng iba't ibang pakikipag-ugnayan.
Tinukoy nito ang mga oportunidad para sa Pilipinas upang palakasin pa ang mga pamumuhunan at pangmatagalang paglago sa pamamagitan ng mga kabataang manggagawa na may kasanayan at mahusay sa macroeconomic policies.
Ang ilang mga programa na tinalakay ay ang Teacher Effectiveness and Competencies Enhancement Project (TEACEP) at Philippine Rural Development Project (PRDP) Scale-Up.
Ang TEACEP ay naglalayong mapabuti ang kalidad at pag-access sa pagtuturo mula Kindergarten hanggang Grade 6 sa mga rehiyon ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), Zamboanga Peninsula, at Soccsksargen (South Cotabato-Cotabato-Sultan Kudarat-Sarangani-General Santos City).
Sa kabilang banda, ang PRDP Scale-Up ay magpapatuloy sa naunang PRDP upang lalo pang mapabuti ang pag-access ng mga magsasaka at mangingisda sa mga merkado at madagdagan ang kita mula sa mga haligi ng agrikultura at pangingisda.
Ang WB-International Bank for Reconstruction and Development (IBRD) ang ikatlong pinakamalaking katuwang sa official development assistance (ODA) ng Pilipinas, na may aktibong loans at grants na umaabot sa halos US$6.8 bilyon, na katumbas ng 21.2 porsyento ng kabuuang ODA ng bansa.
Kasama sa mga miyembro ng gabinete na nakipagpulong kay Bjerde sina Finance Secretary Benjamin E. Diokno, Socioeconomic Planning Secretary Arsenio M. Balisacan, Energy Secretary Raphael Lotilla, Public Works and Highways Secretary Manuel M. Bonoan, Budget and Management Secretary Amenah F. Pangandaman, at Communications Secretary Cheloy E. Velicaria-Garafil.
Bago ang pagbisita sa Malacañang Palace, nagpulong din sina Kalihim Diokno at Undersecretary Mark Y.C. Joven kay Bjerde sa opisina ng DOF sa Maynila noong Mayo 22, 2023 upang talakayin ang patuloy na partnership sa pagsusulong ng mga transformative projects sa agrikultura, food security, kalusugan, edukasyon, RE, at pondo para sa klima.
Kasama ni Bjerde sina WB Regional Vice President for East Asia and Pacific Manuela Ferro at WB Country Director for the Philippines Ndiamé Diop. (Harlem Jude Ferolino, PIA SarGen)