No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Paglaban sa dengue ngayong tag-ulan, pinaiigting ng pamahalaan ng BARMM

LUNGSOD NG COTABATO (PIA)--Lalo pang pinalalakas ng pamahalaan ng BARMM, sa pamamagitan ng Ministry of Health (MOH-BARMM) ang mga ginagawang hakbang nito upang kontrolin, kung hindi man lubusang mapigilan, ang sakit na dengue sa rehiyon, lalo na ngayong panahon ng tag-ulan.

Kamakailan ay pinangunahan ng MOH-BARMM ang isang pagpupulong na dinaluhan ng mga estudyante, guro, at lokal na opisyal sa lungsod ng Cotabato.

Sa ginanap na aktibidad ay binigyang-diin ni MOH deputy minister Dr. Zul Qarneyn Abas ang kahalagahan ng pagsunod sa 5S kontra dengue.

Kabilang sa 5S ay ang Search and destroy mosquito breeding places tulad ng mga lumang gulong, paso, balde at drum; Secure self-protection tulad ng pagsusuot ng pantalon, long sleeved na damit, at mosquito repellant; Seek early consultation lalo na kung may sintomas ng dengue tulad ng mataas na lagnat at sakit ng kasu-kasuan, at pananakit ng likod ng mata; Support fogging and spraying only in hotspot areas; at Sustain hydration lalo na kapag nilalagnat dahil sa dengue.

Dagdag pa ni Abas, ang mga hakbang na nabanggit ay epektibo upang maiwasan ang pagkakasakit ng dengue.

Ayon sa MOH-BARMM, walang pinipiling panahon ang sakit na dengue, kaya't hindi nararapat na hayaang dumami ang mga lamok sa lugar.

Samantala, base sa datos ng MOH-BARMM, ang rehiyon ng Bangsamoro ay nakapagtala ng kabuuang 662 na kaso ng dengue mula Enero hanggang hunyo ng kasalukuyang taon. (With reports from MOH-BARMM). 

About the Author

Lean Twinkle Bolongon

Job Order

Region 12

Feedback / Comment

Get in touch