KIDAPAWAN CITY, Cotabato (PIA) -- Namahagi ng abot sa P1.5 milyong halaga ng pangkabuhayan ang Department of Science and Technology (DOST) sa limang people’s organization sa lalawigan ng Cotabato nitong Lunes.
Ang mga benepisyaryo ng programang Community Empowerment through Science and Technology (CEST) ng DOST ay ang Daig Peace and Development Farmers Association sa Tulunan, Biangan Farmers Association sa Makilala, Bahaning Nod Tamong to Buwis Tanong to Ancestral Domain to Datu Ladayon sa Arakan, Hugpong Pagbabago Sagcungan Association sa President Roxas, at Bagumbayan Lumad Christian Association sa Magpet.
Nabatid na ang mga benepisyaryo ay mga dating underground mass organization na sumailalim sa Community Support Program ng 39th Infantry Battalion at 72nd Infantry Battalion ng 1002nd Infantry Brigade ng Philippine Army.
Sa kanyang mensahe sa naganap na turnover ceremony, binigyang-diin ni Engr. Sancho Mabborang, undersecretary for regional operations ng DOST, na mahalaga ang pagpapatupad ng programang CEST lalo na sa mga malalayong lugar, partikular na sa mga apektado ng insurhensya. Aniya, dahil sa programa ay natutugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng mamamayan lalo na pagdating sa pangkabuhayan.
Nabatid na ang mga ipinamahaging tulong ay base sa resulta ng isinagawang profiling and needs assessment survey at capacity development training na nilahukan ng mga miyembro ng people’s organizations.
Target ng CEST program na mapalakas ang kapasidad ng mga malalayo at mahihirap na komunidad pagdating sa health and nutrition, water and sanitation, basic education and literacy, livelihood or economic enterprise development, disaster risk reduction, at climate change sa pamamagitan ng science and technology interventions. (PIA Cotabato Province)