Nanawagan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mas matibay na pagtutulungan sa pagitan ng mga ahensya ng pamahalaan upang mapabilis ang digitalization tungo sa pag-unlad ng Pilipinas.
Sa national launching ng Electronic Local Government Unit (eLGU) at eReport Systems, ipinahayag ni Pangulong Marcos na naniniwala siya na ang digitalization ay magiging tanda ng pag-unlad ng bansa. Hinimok niya rin ang mga Pilipino na gamitin ang oportunidad na ito bilang isang puwersa ng kabutihan.
Hinikayat ng pangulo ang lahat ng mga ahensya ng pamahalaan at mga LGU na makipagtulungan sa Department of Information and Communications Technology (DICT) upang isama ang lahat ng mga serbisyo sa bagong eGov PH Super App upang makamit ang layunin nito na maging isang multi-sectoral na mobile application para sa lahat ng mga institusyon at transaksyon ng pamahalaan.
Nanawagan naman ito sa DICT, Department of the Interior and Local Government (DILG), at sa mga LGU na tiyakin ang mabisang pagpapatupad ng Executive Order (EO) no. 32 upang palakasin ang implementasyon ng mga proyektong pang-imprastruktura sa industriya ng telekomunikasyon at mapabilis ang digital transformation ng bansa.
Ang EO Blg. 32 ay nagpapadali ng mga kinakailangang pagsasaayos para sa pagtatayo, pag-install, pagkumpuni, operasyon, at maintenance ng mga imprastruktura ng telecommunications at internet sa bansa, at magpapahintulot sa industriya ng telekomunikasyon na mapabilis ang mga proyektong pang-imprastruktura, na nagpapabilis sa digital transformation ng bansa.
Ayon sa Pangulo, ang paglulunsad ng eLGU at eReport Systems ay nagtatampok ng "paradigm shift” o malaking pagbabago sa paraan ng pakikipag-ugnayan ng ating pamahalaan at mamamayan sa isa't isa.
Sa tulong ng teknolohiya, maaaring malagpasan ang mga hadlang at punan ang mga puwang sa paraang hindi pa kailanman nagawa noon.
Sa eLGU System, maaaring magamit ang iba't ibang lokal na serbisyo ng pamahalaan, kasama ang pagkuha ng business permit at lisensya, pagproseso ng local tax, local civil registration, property tax, barangay clearance, at information dissemination, ani Pangulo.
Sa pakikipagtulungan ng Anti-Red Tape Authority (ARTA), ang sistema ay magpapahusay sa mga pagsisikap ng pamahalaan na alisin ang di-kinakailangang mga proseso sa burukrasya at gawing mas madali at epektibo ang mga transaksyon ng pamahalaan.
Sa kabilang dako, ang eReport System ay magpapahusay sa kakayahan ng Philippine National Police (PNP) at Bureau of Fire Protection (BFP) na mas mahusay na tumugon sa mga pangangailangan ng publiko sa mga oras ng emerhensiya.
Inaasahan aniya ng pangulo na magagamit ang sistema upang mabawasan ang krimen, kawalang-kaayusan, at tiyakin ang agarang pagtugon sa iba't ibang insidente sa buong bansa upang mas maging ligtas at mas protektado ang komunidad para sa lahat.
Binigyang-pugay rin ng Pangulo ang mga pagsisikap ng DICT at DILG sa paggamit ng teknolohiyang ito at sa paghahatid ng mga komportable at epektibong serbisyo sa publiko.
Hanggang Hunyo 2023, 210 sa 894 na mga gumagamit ng LGU Integrated Business Permits and Licensing Systems (iBPLS) ay ina-upgrade at inilipat ng DICT sa eLGU platform.
Sa pagtatapos ng taong 2024, 500 karagdagang mga LGU mula sa 3rd hanggang 6th class ay lilipat sa eLGU system.
Samantala, ang eReport System ay magiging konektado sa iReport Application ng PNP, na magtuturo sa mga nagrereklamo sa pinakamalapit na istasyon ng PNP at sa on-duty na opisyal na agad na makatatanggap ng abiso sa kanyang mobile phone sa pamamagitan ng PNP iReport. (HJF - PIA SarGen)