Ang paglulunsad ng Department of Education (DepEd) ng MATATAG Curriculum ay magpapabuti ng school curriculum ng bansa at magiging daan upang matukoy ang mga totoong pangangailangan ng mga Pilipinong mag-aaral. Ito ay ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang pagdalo sa isang Brigada Eskwela event sa Maynila ngayong araw.
Kasama na rin aniya sa MATATAG Program ang lahat ng pagsisikap ng pamahalaan na pagandahin ang mga international score ng Pilipinas, lalo na sa mga asignatura ng STEM (Science, Technology, Engineering, Mathematics). Binibigyan din ng pagkakataon ang mga nagsipagtapos ng Grade 10 na mamili kung sila ay mag-vocational, technical training, o itutuloy nila ang kanilang pag-aaral. Ito aniya ang malaking system changes na ginagawa ng gobyerno ngayon.
Ayon naman sa kalihim ng DepEd at Bise Presidente Sara Duterte, ang MATATAG curriculum sa ilalim ng bagong K-10 program ay legasiya ng administrasyong Marcos sa basic education ng bansa, na siyang tutugon sa mga problemang tinukoy ng mga eksperto ng international at local education.
Kasama sa mga pagbabago, ani VP Sara, ay ang pagbabawas ng napakaraming learning competencies. Mula 11,000 ay magiging 3,000 learning competencies na lang ang mga ito. Binaba na rin sa limang subjects mula sa dating pito ang pag-aaralan ng mga estudyante mula Grade 1 hanggang Grade 3, upang matutukan ang mga asignaturang Math at Pagbabasa. Ipapasok na aniya ang Science pagkatungtong ng Grade 4.
Inilunsad ng kagawaran ang MATATAG Curriculum nitong nakaraang linggo sa pagnanais na i-decongest ang kasalukuyang K to 12 Curriculum.
Bukod sa pagbabawas ng bilang ng mga kasanayan sa pag-aaral, maging sa pag-pokus sa literasiya, numeracy, at soco-emotional skills mula kindergarten hanggang Grade 3, ang bagong kurikulum ay magpapaigting ng pagbuo ng kagandahang asal at character development sa mga mag-aaral alinsunod sa Good Manners and Right Conduct (GMRC) at Values Education Act, pati na rin ang pagtalima sa 21st Century Skills.
Tungkol naman sa kung susuporta ba siya sa panukalang ibalik ang schedule ng mga klase katulad ng sa panahon ng pre-pandemic, inihayag ng pangulo na pinag-uusapan pa nila ang dapat gawin kasama ang mga opisyal at educators ng DepEd, dahil kasalukuyan pang nagsasagawa ng pag-aaral ang kagawaran.
Noong pandemic aniya ay isinaalang-alang nila ang banta ng COVID-19 sa mga mag-aaral. Ngunit dahil sa patuloy ngayon ang hamon ng climate change ay isinama nila sa pag-aaral kung nararapat ang pagbago ng schedule gayong marami aniya ang naiinitan at nahihimatay pa dahil sa panahon.
Nilinaw naman ng pangulo na wala pa namang preference ang administrasyon, at nakatuon lamang ang gagawing mga desisyon sa kung ano ang mas pinakamainam para sa mga Pilipinong mag-aaral upang sila ay maging komportable sa kanilang mga paaralan. (HJPF -- PIA SarGen)