Handa nang ipatupad ng Presidential Communications Office (PCO) ang Media and Information Literacy (MIL) project ng administrasyong Marcos kasunod ng pagpirma nito ng Memorandum of Understanding kasama ang mga partner government agencies noong Lunes, Agosto 14.
Nanguna si Secretary Cheloy Velicaria-Garafil ng PCO sa ceremonial signing ng MOU kasama ang Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), Department of the Interior and Local Government (DILG), at Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa lungsod ng Pasay.
Hindi lamang nagsisimula ng bagong misyon ang PCO, ani Velicaria-Garafil, kung hindi pinagkakaisa nito ang sambayanan na pagtibayin ang bisa ng whole-of-nation approach, maging ang whole-of-society commitment.
Dagdag ng hepe ng PCO na ang paglulunsad na ito ay bunga ng pinagkaisang pagsisikap ng Marcos administration at ng mga miyembro ng digital media industry laban sa misinformation at disinformation.
Binigyang-diin din nito na dahil sa mas pinadali na ang pag-access ng impormasyon gamit ang mga bagong teknolohiya, online news, at social media, mas madali na rin para sa mga maling salaysay at fake news na iligaw at hatiin ang publiko na nauuwi pa sa kagulohan, pagkalito at pagkaligalig.
Aniya, malinaw ang kanilang responsibilidad na bigyan ang mga mamamayan ng mga kasangkapan upang “kritikal na makapagsuri at makapagvalidate ng mga pinagmulan ng mga impormasyon, at malaman ang pinagkaiba ng mga mapanlinlang na kasinungalingan mula sa katotohanan.”
Sisimulan nila ito sa mga kabataan na siyang pinaka-exposed sa digital landscape at sa mga panganib nito. Mula sa paaralan, dadalhin ang kampanya sa mga komunidad, sa pamamagitan ng pakikipag-dayalogo sa mga lokal na lider, civil servants, at mga ordinaryong mamamayan upang turuan silang maging responsable at mapanuri sa mga nababasa sa digital world, ani Velicaria-Garafil.
Inaasahan din aniya ng gobyerno at ng partners nito na makabuo ng isang lipunang “synthesizers” o ‘yung mga mamamayang marunong gumamit ng tamang impormasyon sa tamang oras at tamang pakay upang makabuo ng tamang desisyon.
Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa DepEd, CHED, DILG, at DSWD, inaasahan din ng kalihim na magiging matagumpay ang kampanya kontra misinformation at fake news, lalo na sa mga madalas na puntirya nito – ang mga kababaihan, kabataan, mga matatanda, at mga taong walang access sa teknolohiya.
Iiimplementa ng MOU ang MIL bilang sandata ng administrasyon sa disinformation at misinformation na namiminsala sa digital landscape ng bansa. Tututukan nito ang kabataan upang bigyan sila ng kakayahang suriin ang mga impormasyon bilang mga konsyumer ng media.
Makikipagtulungan ang mga ahensya sa PCO sa isang komprehensibong execution plan na binuo upang tukuyin ang mga sanhi ng isyu. Ipapasok ang MIL sa higher education curriculum, community-based training, at family-oriented programs.
Ang mga social media companies naman katulad ng Google (Youtube), Meta (Facebook, Instagram, at Threads), Tiktok, at X (dating Twitter) ay makikipagtulungan sa gobyerno sa pamamagitan ng pagbigay ng mga kasangkapan at training upang labanan ang disinformation at misinformation.
Ayon sa Tiktok, ang pakikipagtulungan nila para sa programang MIL ng PCO ay nagpapahiwatig ng pagsisikap ng kanilang kompanya na paghusayin pa ang digital literacy ng mga Pilipino.
Sumang-ayon naman si Monrawee Ampolpittayanant, Global Government Affairs, Asia and the Pacific ng X, na nakatuon din sila sa pagbibigay ng ligtas, inklusibo, entertaining, at informative na karanasan sa mga Filipino users habang pinapanatili ang malayang pamamahayag. Ipagpapatuloy din aniya nila ang pagpapalawak ng kanilang “Community Notes” features na lumalaban sa misinformation at disinformation sa kanilang platforms.
Nangako rin si Yves Gonzalez, ang Google Philippines’ head for Government Affairs and Public Policy, na ipagpapatuloy nila ang pagpapalalim ng kanilang digital responsibility efforts, kabilang na ang pagtatanggal ng mga delikado at nakakalinlang na contents sa lahat ng kanilang platforms. Tuloy-tuloy din ang pakikipag-collaborate nito sa iba’t ibang stakeholders na ikonekta ang mga netizens sa napapanahon at wastong impormasyon.
Ayon naman kay Clare Amador, ang Country Head ng Meta para sa Public Policy for Philippines and Thailand, walang mas mahalaga sa kanila kung hindi ang panatilihing ligtas ang publiko online. Ibinida ni Amador ang kanilang flagship digital literacy program na “Digital Tayo” na tumutulong sa mga Pilipino na mag-isip nang mabuti sa pagbahagi ng kanilang mga saloobin online.
Witness si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa ceremonial signing ng MOU at ang paglulunsad ng MIL program noong Lunes ng hapon. (HJPF -- PIA SarGen)