LUNGSOD NG COTABATO (PIA) -- Nagsimula na ang paghahanda ng pamahalaan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) para sa pagpapatayo ng international airport sa bayan ng Sultan Mastura, Maguindanao del Norte.
Ito ay matapos isinagawa kamakailan ng mga opisyal ng Ministry of Transportation and Communications (MOTC), sa pamamagitan ng Bangsamoro Airport Authority (BAA), Japan International Cooperation Agency (JICA), at lokal ng pamahalaan ng Sultan Mastura ang ocular inspection para sa pagtatayuan ng international airport sa Barangay Tambo sa nabanggit na bayan.
Ang multi-million international airport ay ipatatayo sa 200 ektarya na lugar, kabilang ang 3.2 kilometrong runway.
Inaasahan din na mas mapalalakas pa ng nasabing proyekto ang turismo at ekonomiya ng rehiyon ng Bangsamoro.
Samantala, pinuri ni Sultan Mastura Mayor Zulficar Panda ang mga pagsisikap ng gobyerno ng BARMM para sa mga proyektong pang imprastraktura.
Kaugnay pa rin dito, ang nabanggit na proyekto ay alinsunod din sa 12-point priority agenda ng pamahalaan ng BARMM na naglalayong magpatupad ng iba’t ibang programa para sa pag-unlad at paglago ng ekonomiya sa rehiyon. (With reports from Bangsamoro Government).