LUNGSOD NG COTABATO (PIA) -- Isinusulong ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) parliament ang bagong panukalang batas na nag-aatas sa mga lokal na pamahalaan sa rehiyon na maglaan ng pondo para sa pagpapanatili ng mga kalsada sa kani-kanilang mga lugar.
Ang BTA bill no. 206 o mas kilala sa tawag na 'Bangsamoro Local Roads Maintenance Act' ay naglalayong mapanatili ang kaayusan ng mga kalsada sa iba’t ibang lugar sa rehiyon ng Bangsamoro.
Ayon kay member of parliament Engr. Don Mustapha Loong, mahalaga na lalo pang mas mapaganda ang mga kalsada sa rehiyon dahil daan aniya ito upang mas mapasigla pa kabuhayan at ekonomiya sa mga lugar.
Kapag naisabatas ito, bawat provincial, city, municipal, at barangay local government unit sa loob ng rehiyon ng Bangsamoro ay kakailanganin nang maglaan ng hindi bababa sa isang porsyento na pondo para sa local road maintenance sa kanilang mga lugar.
Ang nasabing pondo ay gagamitin para sa routine, preventive, at periodic road maintenance activities tulad ng pavement maintenance, regraveling, shoulder maintenance, vegetation control, bridge at structure maintenance, drainage improvement, traffic service maintenance, concrete reblocking, seal widening, erosion control, at safety device installation and maintenance.
Kaugnay pa rin dito, sa ilalim ng panukalang batas ay bubuo ng Local Road Maintenance Council na mangangasiwa sa pagpapatupad ng mga road maintenance. (With reports from BTA-BARMM).