ZAMBOANGA CITY, 23 Aug (PIA) -- Magsasagawa ng job fair ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA)-9 sa iba’t ibang lugar sa Zamboanga Peninsula ngayong Biyernes, Agosto 25, 2023. Ang aktibidad ay bahagi ng pagdiriwang ng TESDA sa kanilang ika-29 na anibersaryo at National Tech-Voc Day.
Sabay-sabay na isasagawa ang job fair sa apat na lugar sa rehiyon. Kabilang dito ang sa KCC Mall de Zamboanga, Gov. Camins Avenue, sa Zamboanga City, Zamboanga del Norte Cultural Sports Complex, Gen. Luna Street, sa Dipolog City, Provincial Covered Court sa Pagadian City, at sa Zamboanga Sibugay Polytechnic Institute (ZSPI), Kabasalan, Zamboanga Sibugay.
Inaanyayahan ng TESDA ang lahat ng tech-voc alumni, national certificate holders, pati na rin ang mga naghahanap ng trabaho na sulitin at gamitin ang oportunidad na ito para makahanap ng trabaho.
Kabilang sa mga lalahok sa job fair at mag-aalok ng mga bakanteng trabaho ang mga lokal at international na mga employer, at iba’t-ibang ahensya ng gobyerno, na tutulong din sa mga aplikante sa ilang mahalagang impormasyon at mga kinakailangan.
Ang mga aplikante ay kailangang magdala ng resume o bio-data, mga sertipiko ng TESDA (National Certificate o Certificate of Completion), academic credentials, government Identification (IDs), at iba pang nauugnay na mga dokumento.
Magsisimula ang aktibidad ng alas otso ng umaga sa lungsod ng Dipolog. Habang magbubukas naman ito alas nuebe ng umaga hanggang alas singko ng hapon sa lungsod ng Pagadian at Zamboanga kung saan magbibigay rin ang TESDA ng iba't ibang serbisyo tulad ng skills demonstration, at mobile services mula sa iba pang ahensya ng gobyerno.
Sa Zamboanga Sibugay, kasabay ng job fair ay magsasagawa rin ang TESDA ng exclusive Skills to Succeed Workshop, short-term skills training at skills demos.