No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

LGU Midsayap, pinalalakas ang pagsuporta sa kapakanan ng kabataan

MIDSAYAP, Cotabato Province (PIA) -- Lalo pang pinalalakas ng lokal na pamahalaan ng Midsayap ang pagsuporta sa mga programang may kaugnayan sa pagpapalakas sa sektor ng kabataan bilang mga susunod na henerasyon ng mga lider ng lipunan.

Kaugnay nito, iba’t ibang aktibidad ang isinagawa kamakailan kasabay ng pagdiriwang ng Linggo ng Kabataan 2023. Ang mga aktibidad na ito ay may layuning mapalakas ang partisipasyon ng kabataan lalo na sa pamamahala.

Kabilang sa mga aktibidad na isinagawa ay ang eleksyon ng Midsayap Junior Youth Officials, isang programang nagbibigay pagkakataon sa kabataang edad 15-17 na maging bahagi ng lokal na pamahalaan sa loob ng ilang araw.

Maliban dito, nagkaroon din ng Youth Participation in Governance Training-Workshop kung saan ibinahagi sa kabataan ang detalye hinggil sa Youth Organization Registration Program, Filipino Values, SK Reform Act of 2015, at Midsayap Youth Development Code.

Lumahok din sa eco-tour sa Sanitary Landfill Facility sa Barangay Kimagango ang kabataang lider. Sa pamamagitan nito, nabigyan ng pagkakataon ang kabataang Midsayapeño na makita ang proseso sa paggawa ng eco-bricks at eco-hollow blocks mula sa mga ni-recycle na bote at mga plastic.

Samantala, sa pagtatapos ng Linggo ng Kabataan, inihatid ang iba’t ibang serbisyo para sa kabataan tulad ng pagbibigay kaalaman tungkol sa adolescent reproductive health, HIV-AIDS awareness and testing, COVID-19 booster vaccine, anti-smoking, anti-illegal drugs, mental health, sunog at disaster preparedness, at ‘Malusog Rice’.

Ang aktibidad na tinawag na Serbisyo Para Sa Kabataan, Kabataan Para sa Serbisyo: Linggo ng Kabataan 2023 Culmination Program ay pinangunahan ni Mayor Rolly Sacdalan kung saan iniabot niya ang tig-P5,000 financial subsidy sa 11 rehistradong youth organization sa ilalim ng localized Youth Organization Registration Program ng LGU-Midsayap. Ang pinansyal na tulong ay gagamitin upang magpatupad ng mga programang magsusulong sa kapakanan ng kabataan.


Iginawad din ang pagkilala at sertipikasyon ng Adolescent Friendly Health Facility (AFHF)-Level 1 Barangay Health Stations sa 44 na barangay ng Midsayap at inilunsad rin ang Integrated Service Delivery Network (ISDN).

Kaugnay nito, hinikayat ni Mayor Rolly Sacdalan ang kabataang lider na ituloy ang aktibong partisipasyon sa mga programa ng gobyerno kung saan kabilang ang Youth and Sports Development sa Pagbangon at Pagbabago 12-Point Agenda ng kaniyang administrasyon.

Nakasentro ang pagdiriwang ng Linggo ng Kabataan 2023 sa temang, “Green Skills for Youth Towards a Sustainable World”. (PIA Cotabato Province/With reports from BautistaR-LYDO Midsayap)







About the Author

Shahana Joy Duerme-Mangasar

Writer

Region 12

Feedback / Comment

Get in touch