LUNGSOD NG COTABATO (PIA) -- Pinaalalahan kamakailan ng Bureau of Fire Protection ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BFP-BARMM) mamamayang Bangsamoro na palagiang gawin ang ibayong pag-iingat at maging mapagmatyag upang maiwasan ang sunog.
Ito ay matapos ang ilang serye ng insidente ng sunog na naitala sa rehiyon kamakailan.
Sa isang pahayag, sinabi ni FSInsp. Atty. Maria Estrellieta Lara, chief public information unit ng BFP-BARMM na madalas na nangyayari ang sunog sa tahanan kaya kinakailangan aniya ang dobleng pag-iingat, at makiisa sa mga aktibidad na isinasagawa ng tanggapan hinggil sa pag iwas sa sunog.
Ayon pa kay Lara, ang mga karaniwang pinagmumulan ng mga insidente ng sunog ay ang sira na mga kable ng kuryente, mga kumikislap na bombilya, napapabayaang appliances, at iba pang light materials.
Kaugnay pa rin dito, noong nakaraang linggo ay nakapagtala ng tatlong mga insidente ng sunong sa ilang mga lugar sa rehiyon, kabilang dito ang Tawi-Tawi na naapektuhan ang abot sa 1,000 na pamilya; 40 na pamilya naman ang apektado sa isa pang insidente ng sunog sa lungsod ng Cotabato; at sa probinsya ng Lanao del Sur na naapektuhan ang dalawang mga pamilya.
Bilang pagtugon sa nabanggit na mga insidente ay namahagi ng agarang tulong ang pamahalaan ng BARMM, sa pamamagitan ng Ministry of Social Services and Development (MSSD) katuwang ang iba pang mga tanggapan ng gobyerno. (With reports from Bangsamoro Government)