LUNGSOD NG COTABATO (PIA) -- Napakikinabangan na ngayon ng ilang mga magsasaka mula sa bayan ng Pagalungan sa probinsya ng Maguindanao Sur ang ipinagkaloob na post-harvest facility ng pamahalaan ng BARMM, sa pamamagitan ng Ministry of Agriculture, Fisheries, and Agrarian Reform (MAFAR).
Ang bagong pasilidad na mayroong solar dryer at rice processing complex ay pinangangasiwaan ng Damalasak Uyag-Uyag Farmer’s Cooperative mula sa Barangay Damalasak sa nabanggit na bayan.
Ayon kay Dr. Daud Lagasi, Director-General for Agriculture Services ng MAFAR, ang nabanggit na pasilidad ay nagkakahalaga ng P5.16 million, kaya nitong mag-imbak ng 10,000 bag at may solar dryer na may kapasidad na magpatuyo ng 80 hanggang 100 na bag.
Dagdag pa ni Lagasi, ang Barangay Damalasak ay kabilang sa mga bahaing lugar sa bayan kaya naman malaki ang pakinabang ng naturang pasilidad sa mga magsasaka lalo na tuwing tag-ulan.
Samantala, ang proyekto ay bahagi din ng mas pinalawak na 12-Point Priority Agenda ni BARMM chief minister Ahod Balawag Ebrahim na layong bigyang prayoridad ang pagsuporta sa mga magsasaka sa rehiyon. (With reports from MAFAR-BARMM)