No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

BFP-BARMM, mas pinalalakas ang kampanya kontra sunog

LUNGSOD NG COTABATO (PIA) -- Patuloy na pinalalakas ng Bureau of Fire Protection (BFP) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BFP-BARMM) ang mga ginagawang hakbang upang matulungan ang publiko na maka-iwas sa mga insidente ng sunog.

Sa programang PIA Talakayang Dose ng Philippine Information Agency Region XII, ibinahagi ni FSInsp. Atty. Maria Estrellieta Lara, chief ng Public Information Unit ng BFP-BARMM, ang ilan sa mga aktibidad na isinasagawa ng tanggapan.

Kabilang dito ay ang Oplan Ligtas na Pamayanan (OLP) o ang pag-iikot ng mga kawani ng BFP sa mga komunidad habang inihahatid ang mga pag-iingat at pamamaraan na dapat gawin upang makaiwas sa anumang insidente ng sunog.

"Naghahatid po kami ng mensahe sa ating mga kababayan na alagaan po ang buhay at mga ari-arian. Panatilihing ligtas ang bahay sa mapaminsalang sunog. Sundin po natin ang mga fire safety measure na ipinatutupad ng ating mga kinauukulang ahensya at makibahagi po tayo sa kampanya ng Bureau of Fire Protection," sinabi ni Lara.

Isa rin sa binuo ng BFP ay ang Community Fire Auxiliary Group (CFAG) kung saan sinasanay ang mga kawani ng barangay sa mga dapat gawin kung mayroong sunog at iba pang sakuna.

Dagdag pa rito, mayroon ding isinasagawang fire square roadshow ang BFP sa mga paaralan, mall, at iba pang pampublikong lugar kung saan tampok ang ang iba’t ibang kagamitan ng BFP sa rescue operations.

Kaugnay pa rin dito, binigyang-diin din ni Lara na isa rin sa mga pinaiigting ng BFP ay ang pagbibigay ng tamang impormasyon sa publiko hinggil sa fire safety tips.

Samantala, muling pinaaalalahanan ng BFP-BARMM ang publiko na palagiang gawin ang ibayong pag-iingat at maging mapagmatyag upang maiwasan ang sunog.

Ayon pa sa BFP-BARMM, madalas na nangyayari ang sunog sa tahanan kaya kinakailangan ang dobleng pag-iingat at pakikiisa sa mga aktibidad na isinasagawa ng tanggapan hinggil sa pag-iwas sa sunog. (PIA Cotabato City)

About the Author

Lean Twinkle Bolongon

Job Order

Region 12

Feedback / Comment

Get in touch