No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Iba’t ibang tulong mula sa pamahalaan, inihatid sa Fuga Island

APARRI, Cagayan (PIA) -- Hindi alintantana ng lokal na pamahalaan ng Aparri at iba’t ibang sangay ng pamahalaan ang ilang oras na biyaheng dagat maihatid lang nang personal ang samu’t saring tulong para sa mga residente ng Barangay Fuga Island sa bayang ito.

Ayon kay Mayor Bryan Dale Chan, ang mga naihatid na tulong nitong Setyembre 15 hanggang Setyembre 17 ay ang mga karagdagang tulong para sa mga residenteng ng nasabing barangay na lubhang naapektuhan ng mga nagdaang bagyong Egay at Goring.

Buhat-buhat ng mga residente ng Fuga Island pauwi sa kani-kanilang mga bahay ang mga tulong na natanggap mula sa DSWD at OCD kamakailan. (Litrato ng Aparri Information Office)

Ang mga residente ay nakatanggap ng sewing machine kits at garden tool kits mula sa Technical Education Skills and Development Authority sa pamamagitan ng Aparri Polytechnic Institute.

Maliban sa pamamahagi ng Family Food Packs, ready-to-eat-foods at bottled water ay nagsagawa rin ng Social Pension payout ang Department of Social Welfare and Development kung saan nakatanggap ng tig-P3,000 ang bawat benepisyaryo.

Ang Office of the Civil Defense Regional Office 2 naman ay namigay ng Hygiene Kits at Family Repair Kits, Stoves, Shelter Repair Kits at Evacuation Tents.

Ang Metrobank Foundation ay namigay rin ng mga yero at pako para sa pagsasaayos ng mga nasirang bahay ng apektadong residente.

Namigay rin ng tolda o lumang tarpaulin ang Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD) bilang karagdagang tulong.

Nagsagawa rin ng animal branding o horse marking ang ilang kawani mula sa Municipal Agriculture Office ng lokal na pamahalaan.

Ang Fuga Island ay ang nag-iisang islang barangay ng bayan ng Aparri. Bago ito marating ay kinakailangang sumakay ng bangka nang humigit-kumulang tatlong oras sa bayan ng Claveria. (OTB/MDCT/PIA Cagayan)

Namarkahan din angmga alagang kabayo ng ilang residente ng Fuga Island sa pagbisita ng LGU Aparri kamakailan. (Litrato ng Aparri Information Office)
Natanggap din ng mga eligible senior citizens ng barangay Fuga Islanda ang kanilang social pension mula sa kinatawan ng DSWD sa pagbisita ng LGU sa nasabing barangay. (Litrato ng Aparri Information Office)

About the Author

Mark Djeron Tumabao

Regional Editor and Social Media Manager

Region 2

An ordinary writer from Cagayan Province. 

Feedback / Comment

Get in touch