Sa layuning wakasan na ang panlalamang ng mga rice smugglers at hoarders sa Pilipinas, iniutos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Martes ang lahat ng opisyal, awtoridad, at mga ahensya ng gobyerno na mahigpit na ipatupad ang mga polisiya at mga batas upang matugunan mga ang isyu tungkol sa bigas ng bansa.
Sa kanyang talumpati sa distribusyon ng bigas sa San Andres Sports Complex sa Manila, sinabi ni Pangulong Marcos na ang mga hoarders, smugglers, at rice manipulators ay ang mga tunay na rice “weevils” o bukbok ng bigas na sumisira sa ecological balance ng suplay at demand ng bigas.
“Ang bukbok na lubos na sumisira sa balanse ng supply at presyo ng bigas sa merkado [ay] ang hoarding at saka ang smuggling, at price manipulation na ginagawa ng mapagsamantalang mga negosyante,” ayon sa pangulo.
Pagsisiguro ng punong ehekutibo na ang mga smugglers, hoarders, at price manipulators ay walang puwang sa kampanyang “Bagong Pilipinas” ng administrasyon habang pagtutuunan ang pangakong susundan sila ng gobyerno upang masawata ang iligal nilang gawain at upang matiyak na rin ang abot-kayang pangunahing pagkain para sa mga Pilipino.
“Sa Bagong Pilipinas, hindi na po ito puwede. Kaya inaatasan ko ang lahat ng mga opisyal, otoridad, at mga ahensya na higpitan nang husto ang pagpapatupad ng mga polisiya at batas hinggil sa isyu ng bigas,” ani Marcos.
Muling ipinaaalala ng pangulo na mayroong sapat na rice supply ang bansa.
“Gaya nang sabi ko noong namahagi tayo ng bigas sa Camarines Sur noong isang araw po: sapat ang supply ng bigas dito sa Pilipinas. Ang kailangan lamang po ay ang maayos na pamamahala ng produksyon at bentahan nito. Sa katunayan, mas malaki ang ani natin noong second quarter ngayong taon kaysa sa second quarter ng nakalipas na taon,” ayon sa presidente.
Inamin naman ng pangulo na hindi ito magiging madaling laban ng gobyerno dahil ang mga smugglers, hoarders, at price manipulators ay matagal nang nag-ooperate, ngunit ipinunto niya na determinado ang administrasyon na tapusin ang kanilang ilegal na operasyon.
Inalok din ng punong ehekutibo, na siya ring kasalukuyang kalihim ng Department of Agriculture (DA), ang mga Pilipino na sumama sa laban ng gobyerno laban sa bigas sa Pilipinas.
“Ang hamon ko sa inyo, mga kapwa Pilipino: Magtulungan po tayo upang maisaayos ang ating agrikultura at maisakatuparan ang pangarap natin ng ‘Bagong Pilipinas’ – kung saan matatag, maginhawa at panatag ang buhay ng bawat Pilipino,” ani Pangulong Marcos.
“Sa ating pagkakaisa, tiyak na anumang hamon ay kakayanin at anumang pangarap ay matutupad, basta’t para sa sambayanang Pilipino at para sa Pilipino,” dagdag nito.
Pinangunahan ni Pangulong Marcos nitong Martes ang distribusyon ng bigas sa 1,000 benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), at tinanggap ng bawat benepisyaryo ang 25 kilong bigas.
Ang 1,000 sako ng bigas na naipamahagi ay parte ng 42,180 sako ng bigas na kinumpiska ng Bureau of Customs (BOC) sa isang operasyon sa Zamboanga City, na sa huli ay ibinigay din sa DSWD matapos hindi mapatunayan ng mga importer ang legalidad ng importasyon nito.
Naghatid na rin noon ng bigas ang Pangulong Marcos sa mga benepisyaryo ng 4Ps sa Tungawan, Zamboanga Sibugay; Iriga City, Camarines Sur; at General Trias, Cavite.
At dahil aniya sa kabilaang pamamahagi ng bigas sa bansa, binanggit ng pangulo na isa itong malaking babala sa mga rice smugglers, hoarders, at price manipulators na hindi titigil ang gobyerno sa pagtugis sa kanila.
“Bilang Pangulo at Kalihim ng Kagawaran ng Agrikultura, patuloy po tayong gumagawa ng mga kongkretong solusyon upang matugunan ang mga problemang kinakaharap ng sektor ng agrikultura,” President Marcos said.
Ibinida rin ng pangulo na ang “Kadiwa ng Pangulo” ay isa sa mga ginagawang interbensyon ng gobyerno upang tugunan ang kasalukuyang kalagayan ng sektor ng agrikultura sa Pilipinas, kasama ang nagpapatuloy na modernisasyon ng pagsasaka sa bansa. (HJPF - PIA SarGen)