No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Tech-voc grads, susi sa paglago ng ekonomiya - Villanueva

LUNGSOD NG PASAY -- Hinikayat ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang mga negosyo na mamuhunan sa mga technical vocational graduates, habang sinusulong niya ang patuloy na training ng mga graduate para maitugma ang kanilang skills ayon sa pangangailangan ng industriya. 

"Our technical vocational education  is among the best in the world.  We have a pool of talent who can get every job done," sabi ng senador sa pagdiriwang ng National Tech-Voc Day.

Si Villanueva ang principal author at sponsor ng Republic Act No. 10970 na nagtatalaga sa ika-25 Agosto ng bawat taon bilang National Tech-Voc Day. 

"May malaking potensyal ang mga tech-voc graduates na mai-ahon tayo mula sa pandemya dahil sila ay job-ready at may kasanayan sa kanilang larangan," sabi niya.

Sinabi rin ni Villanueva na may oportunidad ang bawat pamilya na umahon sa kahirapan sa bawat Pilipinong magkakaroon ng trabaho. 

"Dreams put on hold when the pandemic struck will now become a possibility," sabi ng senador.

Sinabi ni Villanueva na humaharap sa pagsubok ang bansa sa paghahanap ng trabaho para sa mga mamamayan nito dahil bumabangon pa lang ang mga negosyo mula sa pandemya. 

Iniulat ng Philippine Statistics Authority na umabot sa 6 porsyento ang employment rate ng Pilipinas noong Hunyo 2022, na katumbas sa 2.99 milyong Pilipinong walang trabaho. 

Ayon naman sa Commission on Population and Development, kailangan ng dagdag na 6 milyong manggagawa upang masuportahan ang dami ng mga consumers sa bansa. 

Sinabi ni Villanueva na maraming nais makapagtrabaho sa workforce ng bansa, kabilang na ang mga senior citizens at mga retirado. 

"Pagdating sa trabaho, abilidad at hindi edad dapat ang mangibabaw,” aniya. 

"Bigyan at hasain natin ang skills ng ating senior citizens upang magkaroon sila muli ng kakayanan na magkaroon ng trabaho," dagdag niya.

Inudyok ni Villanueva ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na ipagpatuloy ang paglahok ng private sector sa mga skills training program ng ahensya upang mas mabigyan ng pagkakataon ang mga tech-voc graduates na magkatrabaho. 

Inihain ni Villanueva ang Senate Bill No. 363 na Enterprise-based Education and Training to Employment Act upang palakasin ang tech-voc education and training (TVET) sa bansa sa pamamagitan ng apprenticeship at dual training system, at patuloy na skills enhancement para sa mga walang trabaho.

Sinabi ng senador na kailangang palakasin ang partisipasyon ng pribadong sektor sa TVET upang matugunan ang job-skills mismatch at masiguro na may sapat na supply ng relevant skills na kailangan ng mga industriya.

“Tinutugunan ng panukalang batas ang mga nagbabagong pangangailangan ng merkado. Naglalagay din ito ng mga mekanismo na magpapalawak ng mga partnership sa mga industriya at kumpanya para sa enterprise-based training," aniya.

"Gawin nating job-ready ang ating mga graduates. Tech-voc training is one of the best public-private partnerships we can have," sabi ni Villanueva. (OSJV) 

About the Author

Maria Viktoria Viado

Information Officer

Central Office

Information Officer I

Creative Production Services Division

Philippine Information Agency

Visayas Ave., Diliman, Quezon City 

Feedback / Comment

Get in touch