LUNGSOD NG TAGUIG -- Hinihikayat ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang mga magsasaka, kooperatiba, at negosyante na magtatag sa kani-kanilang lokalidad ng paaralan sa pagsasaka para sa higit na pagpapasigla ng pag-unlad sa kanayunan.
Sa kanyang pagsasalita sa pagsisimula ng “Training of Facilitators on Farm Business School” seminar sa Cavite, ibinahagi ni TESDA Deputy Director General Aniceto D. Bertiz III na ang mataas na pagsasanay na nakabatay sa agrikultura ay makapagpapahusay sa pagiging produktibo at kakayahan ng mga magsasaka.
“Ang pagbibigay ng access sa technical vocational education and training o TVET sa pamamagitan ng agri-fishery farm schools ay isang istratehiya upang makamit ang pangmatagalang hangarin ng pag-unlad para sa mga kanayunan,” wika niya.
Binanggit niya na ang mga Pilipinong magsasaka ay kumikita ng humigit-kumulang na PhP 2,300 kada buwan mula sa bawat kalahating ektarya ng lupang sinasaka, at karamihan sa mga magsasaka ay hindi sapat ang kinikita upang suportahan ang kanilang mga pamilya.
"Dinisenyo ang pagsasanay na ito upang ang ating mga magsasaka ay magkaroon ng tamang kaalaman, kasanayan at disiplina na makatutulong sa pagtaas ng kanilang produksyon sa agrikultura sa pamamagitan ng mga bagong teknolohiya at gawaing pangkabuhayan," pahayag niya.
Bilang bahagi ng enterprise-based training o “EBT to the Max”, ipinatutupad ng TESDA ang Program on Accelerating Farm School Establishment (PAFSE) para isulong ang paglaganap ng mga paaralan para sa pagsasaka, at ang pamamaraan na “farmer to farmer, learning by doing”.
Upang makapag-alok ng mga programang may kinalaman sa agrikultura, ang mga sakahan sa kanilang lugar ay maaaring mababa sa isang ektarya o mas malaki pa sa 10 ektarya. May 62 na programa sa pagsasanay ang maaaring irehistro sa TESDA at iaalok sa publiko sa ilalim ng PAFSE.
Kabilang dito ang mga qualification title tulad ng Agricultural Crop Production, Aquaculture, Horticulture, Organic Agriculture Production, Rice Machinery Operations, at Animal Production at marami pang iba.
Ang mga gastos sa pagsasanay at assessment ay sasagutin ng Training for Work Scholarship Program (TWSP) ng TESDA. Kabilang sa mga target na benepisyaryo ng programa ang mga magsasaka at mangingisda at kanilang mga kamag-anak, gayundin ang mga miyembro ng komunidad kung saan matatagpuan ang mga paaralan para sa pagsasaka.
Sa ngayon, mayroong 399 farmer field school program na nakarehistro sa TESDA ang ipinatutupad sa iba’t ibang paaralan sa pagsasaka gayundin sa pribado at pampublikong institusyon sa buong bansa. (GMEA - TESDA)