Publications

Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the Ceremonial Turnover of the St. Gregory Home Project

  • Published on March 27, 2023
  • |

Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the Ceremonial Turnover of the St. Gregory Home Project

Maraming salamat. Maraming, maraming salamat. 

Maraming salamat sa ating Secretary ng Human Settlements and Urban Development na si Secretary Jerry Acuzar. [Please umupo na.]


Babatiin ko lang kayo na welcome dito sa aming – hindi ito pabahay, political rally na itong nangyayari dito. [cheers] Parang naaalala ko kayong lahat sa kampanya. Kayo ‘yung mga malalakas ang boses. [Crowd cheers: BBM! BBM! BBM!] Salamat sa inyong lahat at mabuti naman at nagkaroon ako ng pagkakataon na makabalik muna ng Malabon dahil marami tayong ginagawa at kung minsan hindi tayo makalabas ng opisina. Pero hindi na bale at mayroon akong paminsan-minsan na nakikita ko kayong lahat siyempre masarap na kayo ay makasama muli mga kasama ko na nagsuporta sa akin, na binigyan ako ng tulong. [cheers]


Kaya naman po ay pinapaspas po namin lahat ito upang naman ay masuklian namin ang iyong pagmamahal at ang inyong suporta na ibinigay sa halalan na ngayon ay kami naman ang gagawa ng lahat upang ‘yung aming pinag-usapan na pagkakaisa, ‘yung ating pinag-usapan na tayo’y babangon muli ay magiging katotohanan kasama kayong lahat, kasama lahat ng ating mga kababayang Pilipino. Maraming, maraming salamat po. [cheers]

Babatiin ko rin ang ating mga butihing senador. Mabigat itong Malabon, hindi lang Presidente ang pumupunta, lahat ng secretary, nandito pa ‘yung mga senador, Senator Sherwin Gatchalian, ‘yung inyong kapitbahay; nandiyan din si Senator JV Ejercito, ang ating kasama; at ang ating butihing mayor, Mayor Jeannie Sandoval ng Lungsod ng Malabon; ang ating General Manager sa NHA, General Manager Joeben Tai; lahat ng mga benepisyaryo ng pabahay ng pamahalaan; ang ating mga kasamahan; my fellow workers in government; ating mga minamahal na kababayan, magandang tanghali po sa inyong lahat. [applause]

Huwag po kayong mag-aalala na masyadong matagal ‘yung speech ko. Magpapakain daw si Mayor Jeannie ng ano… [cheers] Sinubo ko na naman si Mayor.

Masaya po ako na nandito at makasama kayong lahat upang tunghayan ang pagsasakatuparan ng ating  hangarin na makapagpatayo ng pabahay  para sa ating mga kababayan dito sa Lungsod  ng Malabon.  

Ang St. Gregory Homes Project ay binubuo  ng mahigit dalawampung (20) tig-limang-palapag  na mga gusali na mayroong isang libo, tatlong daan  at walumpung (1,380) yunit ng pabahay  na de-kalidad, matibay, at ligtas.


Naging matagumpay ang housing project na ito  dahil sa pagtutulungan ng National Housing  Authority, lokal na pamahalaan ng Malabon, iba  pang ahensya ng gobyerno, at siyempre ang ating kasama at partner ang pribadong  sektor. 


Nawa’y mas marami pa tayong mapapatayong  [pabahay] at matutulungan na kapwa nating Pilipino.



Kaya’t nagpapasalamat ako muli sa kooperasyon  ng ating mga benepisyaryo dito sa St. Gregory  Homes Project na karamihan ay naging informal  settlers at dating nakatira lang sa kung saan-saan sa waterway,  sa danger zone, [at] mga ibang lugar na naapektuhan ng mga proyekto  ng Department of Public Works.

Sana po ay magsilbi ito na paalala at patunay  na ang proyektong ito ay handang gumabay  at tumulong sa inyo tungo sa pag-unlad ng inyong  pamumuhay. 


Para po sa kaalaman ng lahat, napakalapit po  sa aking puso ang pagsisiguro na maging  matagumpay ang mga human settlements  at housing projects ng ating gobyerno. 

Isa po sa mga binibigyan nating prayoridad ang mabigyan ng solusyon  ang napakatinding kakulangan ng pabahay dito sa buong Pilipinas.

Kaya naman po ay hinamon ko ang aking sarili  at ang aking mga kapwa-lingkod [bayan] sa DHSUD,  sa NHA, lalong-lalo na ang ating mga LGUs na matugunan  ang mga pangangailangan na pabahay sa loob  ng aking termino bilang Pangulo. 

Naniniwala po ako na kaya nating makamit ito kung  ang lahat ay magtutulungan, magiging masunurin  sa batas, at paiiralin ang bayanihan spirit ng Pilipino.  

Ang mga housing programs na ito ay naglalayong makapagpatayo ng disenteng pabahay para sa mga kababayan  nating pinakanangangailangan.  

Ito po ay inisyatibo ng gobyerno upang tiyakin na ang bawat pamilyang Pilipino ay mayroong  bahay na mauuwian at matatawag nilang sarili nilang   tahanan.  



Hindi naman po kinakailangan na ito’y maging  magarbo. Ang mahalaga, ito ay matibay,  at nasa tahimik at ligtas na lugar. Sapat upang  mamuhay nang masaya at makapagsimula ng may pag-asa ang bawat miyembro ng pamilya. 

Hangad din ng pamahalaan na makatulong  at maibsan ang mga problemang pinapasan  ng ating mga kababayan sa araw-araw na hamon  ng buhay.  


Ang lahat ng ito ang nagsisilbing inspirasyon namin  upang mas patatagin ang aming dedikasyon  tungo sa pagsasakatuparan ng aming pangakong mabigyan ng disente, abot-kaya, at de-kalidad  na pabahay para sa bawat pamilyang Pilipino. 

Aking inaatasan muli ang NHA, DHSUD, at ang iba pang  mga kaugnay na ahensya ng pamahalaan  na magpatuloy sa masusing pagbibigay-lunas  sa ating suliranin sa pabahay, at tiyakin na walang  sinuman na maiiwanan at mapapabayaan sa ating  sama-sama na pagsulong at sa ating sama-sama na pag-unlad. 

Hinihikayat ko rin po ang mga benepisyaryo natin  dito na patuloy po ninyong suportahan  ang mga programa at proyekto ng pamahalaan na naglalayong matulungang mapabuti ang antas  ng pamumuhay ng bawat isang Pilipino. 

Binabati ko ang ating mga  benepisyaryo ng proyektong ito sa pagkakaroon  ninyo ng bago at sariling tahanan. [applause]


Nawa’y maging masaya, masagana, at mapayapa  ang inyong pamumuhay sa inyong bagong bahay  at komunidad. 

Maraming, maraming salamat at mabuhay po kayong lahat!  Magandang tanghali po sa inyong lahat! [Crowd cheers: BBM! BBM! BBM!]


Mabuhay po ang Lungsod ng Malabon! Maraming salamat po! Magandang tanghali po. [applause]


— END —

About the Author

Kate Shiene Austria

Information Officer III

Information Officer III under the Creative and Production Services Division of the Philippine Information Agency. 

Feedback / Comment

Get in touch