Maraming salamat sa ating Kalihim ng Human Settlements and… [Ay, upo lang…] Ang Ating Kalihim ng Human Settlements and Urban Development Jerry Acuzar; ang ating Kalihim ng DOLE, ang Department of Labor and Deployment na nandito rin kasama natin, Secretary Benny Laguesma [applause]; nandito po, nandito rin po ang ating isa pang Cabinet Secretary, siya ang Kalihim naman ng Department of Trade and Industry, Secretary Fred Pascual [applause].
Andito rin po ang sinama ko na para --- dahil naka-recess ang House of Representatives, eh ‘ka ko, lumipat ka muna roon sa Ilocos para makita mo naman kung papaano ang pagtrabaho dito sa Bulacan at sinama ko, nandito kasama po natin ang aking anak si Congressman Sandro Marcos [applause]; ang ama ng lalawigan ng Bulacan, ang ating butihing Governor Dan Fernando [applause]. Binubulon g ko sa kanya, sabi ko, ‘yung mga --- huwag nang binabanggit ‘yan sa publiko, tayo-tayo na lang mag-usap diyan. Maayos, tapos na ang eleksyon. Marami tayong gagawin. [applause]
Ang ating --- ang Punongbayan ng Pulilan, ang ating Mayor, Mayor Maria Rosario Montejo. [applause] Habang maaga pa, Mayor, sasabihin ko na hindi ko masasabayan ‘yung iyong balagtas at inyong pagtula. Lalakasan ko na lang ‘yung boses ko sa pagtalumpati ko.
Ang aking kasama na mga kawani sa pamahalaan at mga other distinguished guests; ladies and gentlemen, magandang hapon po sa inyong lahat.
Nagagalak po akong makasama lahat kayo dito sa Pulilan, Bulacan sa araw na ito.
Isang mainit na pagbati sa inyo diyan at sa inyong pamilya, mula sa akin at sa akin ding pamilya. Sana naman ay nasa mabuti kayong kalagayan diyan.
Ang bati namin ay para sa pamilyang Pilipino, mula sa isang pamilyang Pilipino dahil ang mga pabahay ay kadalasan ay hindi naman talaga para sa isang tao lamang, kung hindi para sa isang pamilya, na lalong-lalo ng mga nagsisimula palang sa buhay at dahan-dahan ay pinapaganda ang kanilang sitwasyon sa buhay. ‘Yan po ang binibigay na pagkakataon pagka mayroon tayong maganda, disente, ligtas na tirahan para sa ating mga kababayan.
Mahalaga ang araw na ito, dahil sa pagkakataong [makaharap] uli sa inyo [at] makapagpasalamat sa inyong suporta para sa akin at para sa ating pamahalaan.
Bukod pa rito, ating masasaksihan ang pagsisimula ng isang magandang pangarap para sa mga mamamayan ng inyong bayan dito sa Bulacan.
Ito ay ang Pambansang Pabahay para sa Pilipino Housing o 4PH project ng pamahalaan.
Sa pamamagitan ng 4PH, ang hangarin ninyong magkaroon ng maayos at sariling tahanan para sa inyo at sa inyong mga pamilya ay magiging abot- kamay at abot-kaya na rin.
Bahagi po rito ang programa ng inyong pamahalaan na makapagtayo ng isang milyong bahay bawat taon sa iba’t-ibang dako ng Pilipinas. [applause]
Dito lamang po sa Bulacan, ay nagsimula tayo --- sa isang araw na ito ay nakapagsimula tayo --- nag-groundbreaking kami. Nakapunta kami sa San Jose Del Monte, tapos nanggaling kami sa San Rafael, ngayon nandito na kami sa Pulilan. Ngunit, may tatlo pa na bayan na nag-groundbreaking kagaya dito. Sila po ay naka-livestream at nanunuod. Kasama po natin silang lahat dito sa groundbreaking, sa buong probinsya ng Bulacan. [applause] Nandiyan po ang mga tiga-Pandi, Guiguinto, tiga-Malalos. Kaninang umaga, ‘yun na nga, nandoon pa kami, San Jose Del Monte kami nagsimula.
Ganito kaseryoso ang Administrasyong sa programa ito na pabahay para sa bansa.
At hindi lang pabahay ang ating mithiin. Balang araw, magkakaroon din ng iba’t ibang mga mahahalagang pasilidad, tulad ng serbisyong pang-edukasyon, pangkalusugan, at iba pa. Hindi magtatagal, ang 4PH project na ito ay magiging isang tunay na pamayanan at isang kumpletos-rekados na komunidad.
Kung titingnan niyo po ‘yung mga plano doon po, hindi lang po pabahay ang itatayo. Ang partner, pagka-partner ng Department of Human Settlements at saka ng local government ng [Pulilan] ay kasama po sa development na ‘yan ang mga itatayo na mga government offices, na mga livelihood projects.
Baka sa pagdating ng ilang taon, baka maglagay pa tayo ng mga commercial na ano diyan para mag-mixed-use ‘yung lupa. Ayan po, kaya dahil po, ang aming pag-iisip na hindi kagaya ng dati na basta’t magtayo lang ng bahay, pabahay na ‘yan. Hindi maaari ‘yun. Dahil kung maglagay ka ng bahay sa taas ng bundok, hindi naman makapunta sa trabaho, wala naman pag-aaralan ‘yung mga bata. Hindi makapagsimba sa Linggo. Wala kang bibilan ng pangangailangan ninyo. Kaya’t ang aming konsepto ay lagi naming sinasabi. Buong community. Kaya Human Settlements. Hindi lang housing, kung hindi human settlements.
Ganyan din ang gagawin natin dito at ‘yan ang aming konsepto na ginagawa, isinasagawa sa lahat ng programa ng 4PH. [applause]
Palagay ko, kailangan din natin aminin na sadyang mahirap ang layuning ito. Ngunit, sa ating pagtutulungan, tiwala po akong maaabot natin ito at doon uusbong ang pag-asa.
Pag-asa para sa ating mga kapwa-Pilipino, sa sipag at tiyaga, ay makakamtan nila ang pangarap ng sariling tahanan para sa kanyang pamilya at sa kanyang mahal sa buhay.
Hindi po magiging matagumpay ang pagtitipong ito kung wala ang ating mga masigasig na katuwang mula sa lokal na pamahalaan.
Kayo po ang aming kabalikat sa paghatid ng serbisyo sa inyong mga kababayan: mula sa tamang alokasyon ng lupa at pinansyal na tulong para ating maisakatuparan ang pabahay para sa mga nangangailangan at mahihirap.
Hangad ko ang inyong patuloy na suporta upang mas marami po tayong matulungan dito sa inyong bayan.
Hangad ko rin po ang patuloy niyong pakikipagtulungan sa mga key shelter agencies, sa pribadong sektor upang tuluy-tuloy at agarang matapos ang proyektong ito.
Sa ating mga kasama sa pamahalaan, lalo na sa DHSUD, mga key shelter agencies at financial institutions, lalo pa nating paigtingin ang ating pagtutulungan at serbisyo tungo sa layuning makapagbigay ng maayos at murang pabahay
sa ating mga kababayan.
[Tiyakin] natin na makakaabot at mararamdaman ang serbisyo ng pamahalaan sa mga malalayo at liblib na pook sa lahat ng dako ng bansa.
At sa ating mga kababayan dito sa Bulacan, hiling ko lamang ang inyong pakikiisa at pagmamahal sa inyong bayan at pamayanan. Patuloy na magsipag at magtiyaga. Sa inyong pagsusumikap, sabay-sabay na aangat ang ating kalagayan, ang ating ekonomiya, at ang buhay ng bawat Pilipino.
Hindi rito nagtatapos ang paghahatid ng tulong ng inyong pamahalaan. Ang 4PH ay susulong pa at magtutungo sa marami pang mga lugar sa buong Pilipinas.
[Muli] ko pong inaanyayahan ang lahat—mula sa panig ng pamahalaan, sa panig ng pribadong sektor, at ng ating mga mamamayan—magkaisa at magtulungan tayong lahat upang matupad ang ating sama-samang hangarin na mapaganda ang pamumuhay ng bawat Pilipino sa susunod na mga taon.
Maraming salamat. Mabuhay po kayong lahat! Magandang hapon po sa inyo. [applause]
--- END ---
WATCH HERE: Groundbreaking of the 4PH Project
LOCATION: Barangay Peñabatan, Pulilan, Bulacan