Maraming salamat sa ating Secretary ng Human Settlements and Urban Development, the Secretary Jerry Acuzar. [Please take your…]
Andito rin po, ating kasama, ang ating Kalihim sa DOLE, ang Kalihim natin si Secretary Benny Laguesma. [applause]
Sinama po namin siya dahil doon sa mga binubuksan naming mga Kadiwa at ito po, pati na ‘yung housing. Lagi natin tinitingnan at inaalala, tinitiyak na mayroong trabaho ang ating mga maliliit na negosyante, ating mga empleyado. Kaya’t --- lalong-lalo na, tayo nagre-recover sa COVID ay pinaparami talaga namin ‘yung magandang trabaho kaya napakahalaga na nandito kasama natin si Secretary Benny Laguesma.
Ang ating --- the Mayor of San Rafael, Bulacan, Mayor Mark Violago [applause]; ang ating mga beneficiary of the San Rafael Bulacan Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Housing Project.
At itong --- sinama ko ‘yung aking assistant dito at walang ginagawa sa Maynila kaya’t sinama ko. Sabi ko sa kanya, tingnan ninyo, tingnan mo ‘yung aming ginagawa. Kasama ko po ang ating Congressman galing sa Ilocos Norte, aking anak po, Congressman Sandro Marcos. [applause] Magseselos na ako, ba’t mas malakas ‘yung palakpak sa’yo kaysa… [laughter]
Aking kapwang kawani sa pamahalaan at ang ating mga bisita, my beloved countrymen, mahal kong kababayan, magandang hapon po sa inyong lahat. [applause]
Napakasaya ko na makasama ko kayo sa araw na ito: sa aking live audience at sa aking livestream audience! Sinasabi ko livestream audience po dahil sa araw na ito, magbubukas kaming ng tatlong [4PH] na proyekto.
Kaya’t ‘yung iba po na hindi namin mapupuntahan, tatlo lang ang mapupuntahan namin ngayong araw na ito. ‘Yung tatlo po ay naka-livestream kaya’t kasama natin sila dito sa groundbreaking na ito. Napapanuod ng kapwa-Bulakenyo ninyo mula sa bayan ng Pandi, Guiguinto, at Malolos, na nagtitipon din sa parehong kadahilanan.
Mula sa akin at sa aking pamilya, ipinapahatid ko ang aming taos-pusong pagbati sa inyo at sa inyong mga pamilya. Sana naman ay okay kayo diyan, malusog at masigla.
At kaya ang bati namin ay sa pamilya at galing sa isang pamilya dahil ang ating proyekto ng pabahay ay hindi lamang para sa isang tao. Ito talaga ay para sa pamilyang Pilipino.
Mahalaga para sa akin itong araw na ito, dahil una, pagkakataon ko na humarap sa inyo muli upang makapagpasalamat dahil sa inyong tiwala at suporta sa akin at sa pamahalaan. [applause]
Pangalawa, ang araw na ito ay saksi sa pagsasakatuparan ng pangarap para sa Bulacan, lalo na rito sa San Rafael, sa Pandi, sa Guiguinto, at sa Malolos.
Sapagkat sa araw na ito, sabay-sabay nating sinisimulan ang pagpapatayo ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino Housing project ng pamahalaan o 4PH, sa anim na bayan sa lalawigan ng Bulacan!
Sa pamamagitan ng mga proyektong ito, hindi na malayo ang posibilidad na makakamtan ang pangarap ng libo-libong mga Bulakenyo na magkaroon ng maayos, disente, at abot-kayang tirahan.
Bago pa man ako maging Pangulo, mula pa noong ako ay nasa lokal na pamahalaan ng Ilocos Norte, hanggang noon ako ay maging Senador na, naging bahagi palagi ng aking pagmamatyag [at] pagtatrabaho [ang] pabahay para sa pamilyang Pilipino.
Kaya naman, sa simula pa lamang ng aking panunungkulan ay mariin kong sinasabi na tututukan natin ang suliranin sa kakulangan sa pabahay dito sa ating bansa.
Sisikapin natin na makapagpatayo ng isang milyong bahay sa iba’t ibang bahagi ng bansa, sa bawat taon nitong Administrasyon Marcos. [applause]
Mukha naman matutupad ‘yung ipinapangako sa atin ng ating butihing Secretary, Secretary Acuzar na one million houses --- one million units na tirahan bawat isang taon. Dahil ngayon pa lang, sampung buwan pa lang tayo ay ang nasimulan na ay 1.2 million units na. Kaya’t kaya natin mahabol ang ating pinapangarap.
Kaninang umaga, halimbawa, ay nandoon tayo sa San Jose Del Monte upang masaksihan ang [pagsisimula] ng proyektong ganito doon din sa kanilang lugar. Pagkatapos nito, diretso naman ako sa Pulilan.
Ganun tayo kaseryoso sa ating layuning mapalawig ang programang pabahay para sa bansa.
Sa mismong lugar naman na ito ay itatayo ang labinglimang gusali na may halos apat
na libong housing units.
At hindi ito titigil sa pabahay lamang. Hindi magtatagal, ito ay magiging isang tunay
na komunidad, na magkakaroon ng mahahalagang pasilidad, tulad ng pang-edukasyon, pangkalusugan, at iba pa.
At ito po ay naging --- dahil nagkaroon ng magandang partnership ang national government sa pamamagitan ng mga MOU na ginagawa mula sa ating LGU at saka sa Department of Human Settlements. Lahat po ‘yan ay hindi natin matutupad --- kaya naman --- kung tayo lang, nag-iisa lang, ang bayan lang ang gagawa, ang departamento lamang ang gagawa, eh magagawa pa rin natin pero hindi kasing dami at hindi kasing ganda at hindi kasing bilis ng ating kayang gawin kapag lahat ay nagtutulungan.
Kaya’t napakalaking bagay na kasama sa pabahay. Mayroon din mga plano na ginagawa ang city planning para ‘yung mga opisina, ‘yung mga pagtatrabahuhan, ‘yung mga eskuwelehan, ‘yung mga tindahan, at kung saan ang sakayan, malapit dito, convenient.
Hindi naman pupuwede magtatayo lang tayo ng bahay, wala namang pagsisimbahan, wala namang eskuwelehan para sa mga bata. Walang palengke para mag-shopping. Lahat ‘yan ay kailangan ilalagay natin. ‘Yun po ang naging partnership ng LGU at saka ng Department of Human Settlements at saka national government.
Sana magsilbing inspirasyon at hamon ito sa mga nagsusumikap na maitaguyod ang sarili at ang pamilya, at magkaroon ng mas maginhawang buhay.
Totoo, hindi ito isang simpleng mithiin. Pero kung tayo ay magtutulungan—pamahalaan at mamamayan—ito ay kayang-kaya nating makamtan.
Mahalaga ang papel na ginagampanan ng lokal na pamahalaan ng San Rafael sa pagtataguyod ng programang ito. Maraming salamat sa inyo. Maraming salamat, Mayor at sa lahat ng mga tumulong para matupad itong magandang programang ito.
Salamat din sa Department of Human Settlements and Urban Development at sa mga key shelter agencies at saka financial institutions, na nakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan upang maisulong ang programang pabahay na ito.
Ngayong nakapagsimula na tayo ng 4PH projects sa dalawampung lokalidad, magpapatuloy pa tayo. Kaya, huwag na huwag kayong mapapagod; huwag kayong magsasawa. Marami pa tayong pupuntahang mga lugar sa bansa.
Hinihiling ko lang ang inyong pakikiisa at pagmamahal sa inyong bayan at pamayanan. Patuloy na maging masipag at matiyaga. Dahil sa bandang huli, babalik rin sa atin ang positibong resulta ng ating paghihirap. Walang ibang makikinabang dito kung hindi kayo rin, mga minamahal kong kababayan.
Abangan natin itong mga proyektong ito. Makakaasa po kayo na ang gobyerno ay patuloy na nagtatrabaho para matulungan kayo, habang kayo naman ay nagsusumikap na matupad ang mga hangarin ninyo para sa inyong mga sarili at para sa inyong mga pamilya.
Hindi rito nagtatapos ang paghahatid ng tulong ng inyong pamahalaan. Ang 4PH ay susulong pa at magtutungo sa marami pang ibang lugar dito sa Pilipinas.
Magtatagumpay tayo! Hanggang sa muli! Maraming salamat at mabuhay po kayong lahat! [applause]
--- END ---