Publications

Talumpati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa PBBM: Pagpupugay sa mga Bayani ng Bansang Makabayan

  • Published on September 29, 2023
  • |

Talumpati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa PBBM: Pagpupugay sa mga Bayani ng Bansang Makabayan

Maraming salamat sa ating Bise Presidente, Vice President Inday Sara Duterte. [Please take your seats.]

Kasama rin po natin ang Kalihim ng Department of Health, ang ating Secretary of the Department of Health Ted Herbosa; nandito rin siyempre ‘yung ating Kalihim ng DILG, na siya ang namumuno dito sa proyektong ito, dito sa programang ito, para sa tulong sa ating mga uniformed personnel, Secretary Benhur Abalos; at native son of Davao, nandito rin si Secretary Anton Lagdameo [applause]; binabati ko rin, nandito rin ang ating Chief PNP; nandito rin si Chief of Staff Romy; [At saka sinong kasama pa natin?] the Admiral is also here from his adventures in the West Philippine Sea. Marami siyang trabaho these past few days; lahat ng ating mga bisita; ladies and gentlemen, magandang umaga po sa inyong lahat.

Tayo po ay naririto ngayon upang magbigay-pugay at pasasalamat sa mga bayani ng ating bansa—ang mga miyembro ng ating sandatahang lakas, ang ating mga kapulisan, at iba pang mga uniformed personnel na nasawi o nasugatan habang sila’y naglilingkod sa bayan.

Ang okasyong ito ay nagdudulot sa atin ng magka- halong emosyon— panghihinayang sapagkat ang ibang mahal sa buhay natin ay wala na sa ating tabi upang makipagsaya, at kasiyahan sapagkat ang kanilang mga kabayanihan ang dahilan kung bakit tayo’y nagtitipon-tipon ngayon at nagmamalaki sa kanilang mga ginawa.

Alay natin ang araw na ito bilang Pagpupugay sa mga Bayani ng Bansang Makabayan.

Kailanman, hindi natin masusuklian ang serbisyo na kanilang inilaan upang mapanatiling mapayapa, ligtas, at maayos ang ating komunidad.

Ang kanilang halimbawa ay patunay sa likas na galing, tapang at dangal ng mga Pilipino at sa ‘di matatawarang pagmamahal natin sa ating bansa.

Maraming salamat sa ating mga bayaning hindi lamang namuhay, at nabubuhay para sa kanilang sarili, kundi para sa sambayanang Pilipino at sa sangkatauhan.

Bukod sa pagpapahalaga sa kanilang mga pagpapakasakit, kinikilala rin natin ang iniwan nilang malaking kontribusyon sa pagkakakilanlan [at] kasaysayan ng Pilipinas.

Ang kanilang sakripisyo ay hindi natin malilimutan, ito ay bahagi ng ating kolektibong kamalayan. Sa puntong ito, nais din nating ipagdiwang ang tagumpay ng programang Comprehensive Social Benefits Program o CSBP. Sigurado akong lahat kayo [rito] ngayon ay natulungan na nito.

Ang mga tulong medikal, pinansiyal, edukasyon, trabaho, pabahay, at iba pang mga social welfare assistance na kalakip ng CSBP ay nararapat lamang para sa inyo — sa mga pamilyang naulila ng mga magigiting nating kawal sa gitna ng labanan.

Taos-pusong pakikiramay po sa mga pamilya na naiwan nila.

Asahan po ninyo na ang pamahalaan ay patuloy na magsisikap upang mabigyan ng kaukulang suporta ang ating kapulisan, kasundaluhan, at iba pang hanay upang magampanan nila nang maayos ang kanilang mandato.

Kasama sa pagsisikap na ito ay ang tiyakin ang kapakanan ng inyong mga pamilya, sa pamamagitan ng mga programang tulad ng CSBP.

Ang tagumpay ng mga proyekto ng gobyerno ay tagumpay nating lahat!

Kung kaya naman, inaatasan ko ang mga kinauukulang ahensya na tiyakin ang maayos na implementasyon ng mga ito. Siguruhin ninyo ang mga benepisyo ay mabilis na makakarating sa ating mga mamamayan.

Sa pagsulong ng Bagong Pilipinas, lahat ng mga Pilipino ay uunlad at magiging katuwang sa transpormasyon na ito.

Maraming salamat po sa inyong lahat. Mabuhay kayong mga bayaning Pilipino! Magandang umaga po sa inyong lahat.


— END —

Wacth here: PBBM: Pagpupugay sa mga Bayani ng Bansang Makabayan

Location:  Grand Ballroom, dusitD2 Hotel, Davao City

About the Author

Kate Shiene Austria

Information Officer III

Information Officer III under the Creative and Production Services Division of the Philippine Information Agency. 

Feedback / Comment

Get in touch