No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Mga magsasaka sa Torrijos at Mogpog, tumanggap ng abono, binhi mula DA

TORRIJOS, Marinduque (PIA) -- Tumanggap ng 'fertilizer voucher' at 'palay certified seeds' mula sa Department of Agriculture (DA) ang mga magsasaka sa bayan ng Torrijos at Mogpog, kamakailan.

Ayon kay Dr. Lucila Vasquez, agricultural program coordinator ng Kagawaran ng Pagsasaka sa Marinduque, layon ng programa na makapagbigay ng libreng abono sa mga magsasaka para maging malusog at kapaki-pakinabang ang mga tanim na palay sa panahon ng dry season.

"Pangunahing hangarin ng proyektong ito na mapataas ang produksyon at ani ng palay ng ating sa mga magsasaka sa probinsya kahit sa panahon ng tag-init," ani Vasquez.

Sa ilalim aniya ng National Rice Program (NRP) ay makatatanggap ng P2,000 na halaga ng fertilizer voucher ang isang benepisyaryo na nagsasaka ng palay sa may isang ektaryang lupain.

Sa ilalim ng National Rice Program (NRP) ay makatatanggap ng P2,000 na halaga ng fertilizer voucher ang isang benepisyaryo na nagsasaka ng palay sa may isang ektaryang lupain mula sa Department of Agriculture. (Larawan mula sa pamahalaang panlalawigan ng Marinduque)

"Ang halaga ng fertilizer voucher ay nakadepende sa laki ng lupang sinasaka. May nabigyan tayo ng halagang P500 at ang pinakamalaki ay P8,000," dagdag ni Vasquez.

Umabot naman sa 648 ang bilang nga mga benepisyaryong nabigyan ng nasabing abono sa dalawang nabanggit na bayan kung saan, 277 dito ay nagmula sa munisipalidad ng Mogpog habang 371 ang nanggaling sa Torrijos.

Samantala, nauna nang naipamahagi ang mga binhi ng palay sa pakikipagtulungan ng Municipal Agriculture Offices.

Inaasahan namang agad na isusunod na mabibigyan ng 'fertilizer voucher' ang natitira pang apat na bayan. (RAMJR/ENSJR/PIA MIMAROPA)

About the Author

Romeo Mataac, Jr.

Writer

Region 4B

Romeo is the information center officer of Philippine Information Agency-Marinduque.

Feedback / Comment

Get in touch