No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Mga mangingisda sa Gasan, tumanggap ng tulong-pangkabuhayan

GASAN, Marinduque (PIA) -- Umabot sa 255 na mga mangingisda ang napagkalooban ng tulong pangkabuhayan sa bayan ng Gasan kamakailan.

Ayon kay Gov. Presbitero J. Velasco, Jr., sa pakikipagtulungan ng pamahalaang panlalawigan ng Marinduque sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ay naipamahagi ang iba't ibang kagamitan para sa mga mangingisda at fisher farmer ng nasabing bayan.

"Nagpapasalamat po tayo sa BFAR-Marinduque sa kanilang patuloy na pagsuporta at pagbibigay ng tulong sa ating mga fisherfolk upang lalo pang mapaunlad ang kanilang mga kabuhayan," ani Gov. Velasco.

Kabilang sa natanggap ng mga benepisyaryo ay ang 7.5 tonelada ng seaweed seedlings para sa 75 mangingisda at 50 yunit ng seaweed planting materials para naman sa 50 fish farmers.

Sa pakikipagtulungan ng pamahalaang panlalawigan ng Marinduque sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ay naipamahagi ang iba't ibang kagamitan para sa mga mangingisda at fisher farmer sa bayan ng Gasan. (Larawan mula sa opisina ni Gov. Presbitero Velasco, Jr.)

Bukod dito, naipamahagi rin sa 50 fisherfolks ang 50 yunit ng hook and line gayundin ang 30 yunit ng gill nets para naman sa 30 indibidwal.

Sinabi ni Joel Malabanan, OIC-provincial fishery officer ng BFAR-Marinduque na patuloy na nagbibigay ng livelihood assistance ang kanilang tanggapan dahil ito lamang aniya ang isa mga natatanging paraan para bigyang pugay ang kasipagan ng mga mangingisdang naghahatid ng pagkain sa bawat Pilipino, lalo na sa gitna ng kasalukuyang pandemya. (RAMJR/ENSJR/PIA MIMAROPA)

About the Author

Romeo Mataac, Jr.

Writer

Region 4B

Romeo is the information center officer of Philippine Information Agency-Marinduque.

Feedback / Comment

Get in touch