BUENAVISTA, Marinduque (PIA) -- Nagpasalamat ang Tungib Farmers Association (TFA) sa Department of Agriculture (DA) sa pagbibigay ng ahensya ng mga alagaing hayop sa kanilang mga miyembro.
Si Maribel Sales, kasapi ng TFA at isa sa mga nakatanggap ng baka ay lubos na nagpasalamat sa DA-Mimaropa.
Aniya, malaking tulong ang natanggap niyang baka dahil naging daan ito para maipagawa ang kanilang tahanan na nasalanta ng bagyo noong nakaraang taon. Naibenta kasi nila ang naging anak ng baka at iyon ang nagamit nilang pera para makapagpagawa ng bahay.
“Malaki ang pasasalamat namin sa Department of Agriculture (DA)-Mimaropa dahil ang perang nakuha namin sa pagbebenta ng baka ay naipampagaw ng bahay at nagamit din sa pagpapaaral sa aming anak,” ani Sales.

Sinabi naman ni Philip Llanzares na miyembro rin ng asosasyon, na nagpapasalamat siya sa DA sapagkat isa siya sa napili na mabigyan ng alagaing hayop.
“Sa kasalukuyan ay buntis na po ang baka at ito ay matigaya naming pinapastol, lalo na sa panahong ito dahil malapit na ang tag-araw, kaya masigasig kaming maghanap ng iba’t ibang uri ng damo na ipakakain sa aming alaga. Kapag nanganak na ang baka at nasa tamang edad na ay plano naming ipagbili upang gamitin sa negosyo,” pagbabahagi ni Llanzares.
Matatandaan na kabilang sa mga ipinamahaging hayop sa mga bumubuo ng naturang asosasyon ay baka, kambing, baboy at manok. (RAMJR/PIA MIMAROPA)