No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Tagalog News: Marinduque LGU namahagi ng jetmatic, submersible water pump

BOAC, Marinduque (PIA) -- Namahagi ng jetmatic at submersible water pump ang pamahalaang panlalawigan ng Marinduque sa ilang mga barangay kamakailan.

Ayon kay Gov. Presbitero Velasco Jr., ito ay bilang tugon sa hiling ng mga kapitan na magkaroon ng poso o water pump sa mga lugar na kanilang nasasakupan na hirap at kulang sa suplay ng tubig.

"Nakatanggap tayo ng mga resolusyon mula sa iba't ibang barangay na naglalaman ng kahilingan para sa submersible water pump kaya agad natin itong tinugunan," ani Velasco.

Aniya, malaking tulong ang water pump sa mga barangay sapagkat magagamit ito bilang alternatibong mapagkukunan ng tubig ng mga residente.

Pinangunahan ni Provincial Administrator Michael Vincent Velasco ang pamamahagi ng jetmatic at submersible water pump sa mga kinatawan ng iba't ibang barangay sa lalawigan ng Marinduque. (Larawan mula sa Marinduque LGU)

Dagdag pa ng gobernador, prayoridad ng pamahalaang panlalawigan na mabigyan ng malinis na tubig ang mga mamamayan lalo na ang mga pamayanang hindi naaabot ng linya ng tubig na karaniwang pinangangasiwaan ng lokal na pamahalaan.

Nasa 33 jetmatic at isang submersible water pump ang ibinigay sa mga benepisyaryong barangay.

Samantala, kasabay ng pamamahagi ay inilunsad ang Barangay Affairs Team na magiging katuwang sa paghahatid ng mga 'concern' ng pamayanan para agad na magawan ng solusyon ng pamahalaang panlalawigan. (RAMJR/PIA MIMAROPA)

About the Author

Romeo Mataac, Jr.

Writer

Region 4B

Romeo is the information center officer of Philippine Information Agency-Marinduque.

Feedback / Comment

Get in touch