BOAC, Marinduque (PIA) -- Limang micro small and medium enterprises (MSME) mula sa lalawigan ng Marinduque ang kasalukuyang nakikiisa sa ginaganap na National Food Fair 2022 sa lungsod ng Mandaluyong.
Kabilang sa mga kalahok ay ang Rejanos Bakery, Sisters Homemade Banana Chips, Heart of Islands Holding Inc., Marinduqueland Corp. at Rey's Bakeshop.
Sa trade fair ay dala-dala ng Rejanos Bakery at Rey's Bakeshop ang arrowroot cookies at ang Sisters Homemade Banana Chips, na kadalasan ginagawang pasalubong ng mga bakasyonista.
Sa booth ng Marinduque ay makikita rin ang mga tsaa na gawa sa dahon ng guyabano gayundin ang virgin coconut oil at polboron.

Ayon sa DTI, ang nasabing food fair ay magandang pagkakataon para maipakilala sa 'national at bigger market' ang iba't ibang ipinagmamalaking produkto ng bawat probinsya at rehiyon.
Ang national food fair na inorganisa ng Department of Trade and Industry (DTI), partikular ng Bureau of Domestic Trade Promotion, sa pakikipagtulungan ng Regional Operations Group, ay nagsimula noong Hunyo 1 at tatagal hanggang Hunyo 5.
Sa mga interesadong bumili ng mga lokal na pagkain at produkto, magtungo lamang sa Mega Trade Halls 1-3, 5th level ng Mega B sa SM Megamall siyudad ng Mandaluyong. (RAMJR/PIA MIMAROPA)