No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

4 tsuper sa Boac, tumanggap ng tulong pangkabuhayan mula DOLE

BOAC, Marinduque (PIA) -- Tumanggap ng tulong pangkabuhayan mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang apat na jeepney driver mula sa bayan ng Boac, kamakailan.

Ang dalawang tsuper na sina Arnold Jalotjot mula sa Barangay Agumaymayan at Daniel Laurence Magcamit ng Barangay Sawi ay nakatanggap ng rice retailing project habang si Merson Miao ay napagkalooban ng 'frozen food products retail starter kit' samantalang si Ernie Magcamit na parehong taga-Barangay Poctoy ay nabigyan ng 'feeds retailing starter kit'.

Ayon kay Philip Alano, Provincial Director ng DOLE-Marinduque, bawat isang benepisyaryo ay napagkalooban ng livelihood assistance na nagkakahalaga ng P30,000 kung saan ay umabot sa P120,000 ang pondong inilaan ng kanilang tanggapan.

Pamamahagi ng tulong pangkabuhayan ng Department of Labor and Employment sa apat na jeepney driver sa bayan ng Boac. (Larawan mula sa DOLE-Marinduque)
Pamamahagi ng tulong pangkabuhayan ng Department of Labor and Employment sa apat na jeepney driver sa bayan ng Boac. (Larawan mula sa DOLE-Marinduque)

Sa pamamagitan ng bagong lunsad na Entsupreneurship Project, nakipag-ugnayan ang ahensya sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para maigawad ang tulong pangkabuhayan sa nasabing mga benepisyaryo na lubhang naapektuhan ng pandemya.

Ang nasabing inisyatibo ay nakapailalim sa DOLE Integrated Livelihood Program (DILP) na may layuning suportahan ang pagsusumikap ng pamahalaan na mabawasan ang kahirapan at masiguro ang pag-unlad sa pamamagitan ng pagnenegosyo. (RAMJR/GSL/PIA-MIMAROPA)

About the Author

Romeo Mataac, Jr.

Writer

Region 4B

Romeo is the information center officer of Philippine Information Agency-Marinduque.

Feedback / Comment

Get in touch