No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

100 benepisyaryo ng SPES sa Marinduque, dumalo sa oryentasyon

BOAC, Marinduque (PIA) - Dinaluhan ng nasa 100 mag-aaral ang oryentasyon hinggil sa Special Program for the Employment of Students (SPES) na inorganisa ng Livelihood Manpower Development (LMD)-Public Employment Service Office (PESO) sa pakikipagtulungan sa Department of Labor and Employment (DOLE), kamakailan.

Ayon kay Ryan Abetria, focal person ng DOLE-SPES sa Marinduque, ang programa ay naglalayong mabigyan ng oportunidad na pansamantalang makapagtrabaho sa loob ng 20 araw ang mga mahihirap subalit karapat-dapat na mga estudyante, out-of-school youth at anak ng mga displaced o magiging displaced na manggagawa.

Pagbabahagi pa ni Abetria, sa pamamagitan ng ganitong programa ay madaragdagan ang kita ng pamilya upang makatulong na matiyak na ang mga kabataan ay makapagpapatuloy sa kanilang pag-aaral.

Inaasahang makakatanggap ang mga benepisyaryo ng P464.95 na sweldo kada araw o tinatayang humigit P9,000 sa pagtatapos ng kanilang tatlong linggong pagtatrabaho.

Samantala, sinabi ni Provincial Administrator Michael Vincent Velasco na magandang pagkakataon ang programang ito para sa mga kabataan sapagkat matututo silang magsilbi sa iba't ibang tanggapan ng pamahalaan kung saan sila ay madedestino.

"Bilang mga pag-asa ng bayan, hangad ko na maging taus-puso ang inyong paglilingkod sa pamayanan at maging instrumento sa pag-unlad ng ating probinsya," ani ng panlalawigang administrador.

Nakiisa naman sa nasabing oryentasyon sina Chief Administrative Officer Alma Timtiman ng LMD-PESO, Acting Field Officer Philip Alano ng DOLE Marinduque Field Office at Katrin Ann Llamas, Executive Assistant at kinatawan ni Vice Gov. Adeline Angeles. (RAMJR/PIA MIMAROPA)

About the Author

Romeo Mataac, Jr.

Writer

Region 4B

Romeo is the information center officer of Philippine Information Agency-Marinduque.

Feedback / Comment

Get in touch