No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

P400M inilaan ng DA sa mga apektado ng oil-spill sa OrMin

BOAC, Marinduque (PIA) -- Umabot na sa P438,535,993.50 ang pondong inilaan ng Department of Agriculture (DA) katuwang ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para sa mga apektado ng pagtagas ng langis sa karagatang sakop ng Oriental Mindoro matapos lumubog ang barkong MT Princess Empress sa bayan ng Naujan noong Pebrero 28, 2023.

Ayon kay Director Demosthenes Escoto ng DA-BFAR, nasa P353,302,600 ang ipinagkaloob ng DA-Mimaropa Region, habang aabot sa P25,233,393.50 ang nagmula sa BFAR-Mimaropa at ang P60,000,000 naman ay galing sa Agricultural Credit and Policy Council (ACPC).

Sa pagbisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa Pola, Oriental Mindoro ngayong araw, Abril 15, ay pinangunahan nito ang pamamahagi ng 17 bangkang de motor, 1 yunit ng post-harvest technology package, 1 yunit ng 65 horsepower na traktora, 3 yunit ng pump na may makina, 6 na water pump at iba't ibang mga butong pananim.

Sa mensahe ni Pangulong Marcos sa mga apektadong mamamayan ng lalawigan, tiniyak nya na tuluy-tuloy ang ginagawang paraan at hakbang ng pamahalaan upang maibalik ang ganda ng karagatan sa Bayan ng Naujan at iba pang karatig munisipalidad para muling makalaot at makapaghanap-buhay ang mga mangingisda.

"Kami po ay nandito para inspeksyunin ang tuluy-tuloy na aming ginagawa para pagandahin ulit ang laot, para makapangisda ulit ang mga taga-Pola, ang mga taga karatig bayan, dito sa Oriental Mindoro nang tayo naman ay makakita ng mga pagbabago, hindi lamang para sa oil spill. Inistructionan ko rin ang ating mga Secretary upang gawin ang lahat, kasi madalian na lalo na noong palapit na 'yong oil spill dito sa shoreline," sabi ng Pangulo.

Samantala, nagpasalamat naman si Aldrin Villanueva, presidente ng mga mangingisda sa Bayan ng Pola, Oriental Mindoro sa mga tulong na ipinagkaloob sa kanila ng iba't ibang ahensya ng gobyerno.

"Nagpapasalamat po ako gayundin ang ang aking mga kasamahang mangingisda sa ating Pangulong Marcos sapagkat nakatanggap kami ng panghanapbuhay na bangka at makina habang ang ilan ay tumanggap naman po ng tulong pinansyal," bahagi ng pahayag ni Villanueva. (RAMJR/PIA-MIMAROPA)

About the Author

Romeo Mataac, Jr.

Writer

Region 4B

Romeo is the information center officer of Philippine Information Agency-Marinduque.

Feedback / Comment

Get in touch