BOAC, Marinduque (PIA) -- Umarangkada na patungong Lungsod ng Lucena sa Probinsya ng Quezon ang paunang shipment ng humigit 12 toneladang mais o yellow corn grain na ani ng mga magsasaka mula sa Marinduque.
Sa pamamagitan ng Programang Angat Saka para sa mga Magsasaka, binibili ng Pamahalaang Panlalawigan ng Marinduque ang mga aning produkto mula sa iba't ibang barangay sa probinsya para matiyak na tama ang presyo ng mga ito.
"Dahil sa programang ito ay natutulungan natin ang mga magsasaka na magkaroon ng siguradong bibili ng kanilang mga produkto sa angkop na presyo," pahayag ni Provincial Agriculturist Edilberto M. De Luna.
Nakapaloob din aniya sa naturang programa ang iba’t ibang suporta kagaya ng pagpapautang sa ilalim ng Provincial Government of Marinduque Loan Assistance Venture (PGM-LAV), Technical Farm Advisory mula sa Agricultural Extension Workers, Logistic Support kagaya ng pagpapahiram ng mga sasakyan na paglalagyan ng mga produkto, Post Harvest Processing at Market Linkage o pag-uugnay ng mga magsasaka patungo sa merkado.
Pangunahing adhikain ng proyekto na makapagbigay ng suporta sa mga magsasaka at mangingisda para mapalago ang kanilang kabuhayan na magiging daan sa pagkakaroon ng isang maunlad na pamayanan. (RAMJR/LRRM /PIA-MIMAROPA)