No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Sentro ng Wika at Kultura sa Marinduque, nakikiisa sa Buwan ng Panitikan

BOAC, Marinduque (PIA) -- Magkaagapay na pinangunahan ng Komisyon ng Wikang Filipino at Sentro ng Wika at Kultura (SWK) sa buong kapuluan ang pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan na may temang 'Kultura ng Pagkakaisa: Pagsisiyasat ng Pagkakaisa sa pamamagitan ng Panitikan'.

Aktibong nakiisa sa naturang gawain ang SWK-Marinduque State College (MSC) sa pangunguna ng kasalukuyang direktor na si Dr. Ernesto Largado kung saan ay lumahok din ang mga mag-aaral mula sa iba't ibang pamantasan, mga awtor, mananaliksik at miyembro ng media.

Sa webinar series, binigyang diin ni Atty. Marites Barrios-Taran, Director General ng KWF, ang kahalagahan ng pagbabasa lalo na ng mga kabataan. Hinikayat din ng direktor na gawing huwaran si Francisco Balagtas, isang tanyag na Pilipinong makata at himukin ang mga kabataan na magbasa ng iba't ibang uri ng panitikan at mahalin ang wikang Filipino.

"Ang pagbabasa ay isang oportunidad upang matuto, maaliw, maglakbay, sumuri, at marami pang uri ng makabuluhang karanasan. Higit sa lahat, magbasa upang umunawa, para maging bukas ang isip sa pagbabago, sa opinyon at pananaw ng iba upang bigyang puwang ang pagkakaisa," ani Taran.

Samantala, bilang pakikiisa sa selebrasyon ng Buwan ng Panitikan, nakatakdang isagawa ng SWK-MSC ang 'Lunsad-Zine' ni May Morales Dolis, isang guro ng Agham Panlipunan gayundin, inaasahang itatanghal ang kwentong 'Ayon kay Kid Talaba' na inisyatiba ng Union Locale, Marinduque Council for Environmental Concern (MACEC) at Book Nook Marinduque.

Sa bisa ng Proklamasyon Blg. 968 na nilagdaan ni dating Pangulong Benigno Simeon Aquino noong 2015, idineklara ang Abril bilang Buwan ng Panitikan o National Literature Month. (RAMJR/AMKDA/PIA-MIMAROPA)

About the Author

Romeo Mataac, Jr.

Writer

Region 4B

Romeo is the information center officer of Philippine Information Agency-Marinduque.

Feedback / Comment

Get in touch